NAKA-SCHEDULE na ang kasal ni Kris Bernal at ng kanyang non-showbiz fiancé na si Perry Choi sa May, 2021.
Ayon sa Kapuso actress, napag-usapan na nila ito ng kanyang boyfriend na businessman, sa katunayan bago pa magkaroon ng COVID-19 pandemic ay naka-set na sila sa nasabing date
Sa latest YouTube vlog ni Kris, nakasama niya si Perry at napag-usapan nga nila ang mga pinagkakaabalahan nila ngayong may community quarantine pa rin sa bansa.
Dito nga naikuwento ni Kris ang wedding plans nila na nakatakda nga sa May, 2021. Pero aniya, mukhang nagdadalawang-isip na sila kung itutuloy pa nila ito sa nasabing petsa.
“May 2021 pa talaga siya, ang naging problema lang namin siguro, hindi ka makapag-reserve ngayon. Hindi kami makapag-book ng church, hindi kami makapagbuo ng team, talagang wala, zero planning kami ngayon.
“Hindi namin inaasikaso, hindi mo rin sure kung kailan, eh. Hindi mo rin sure kung matutuloy sa May 2021, ‘di ba? So talagang stop muna,” pahayag ng Kapuso star.
Isa pa sa naging epekto ng pandemya sa kanilang mga plano ay ang pagpapatayo ng kanilang dream house. Nais sana nila na magkaroon muna sila ng sariling bahay bago ikasal.
“Siguro talagang naapektuhan, our house plans. Gusto kasi namin magpatayo ng bahay bago kami ikasal para when we get married, may sarili na kaming bahay, may uuwian kami.
“Sobrang naapektuhan talaga ‘yon. Nag-start na lahat ng planning, ng drawing, ng design, and all pero natigil na nga,” chika pa ni Kris.
So, ibig sabihin nakadepende talaga sa kahihinatnan ng COVID-19 sa bansa ang magiging desisyon nina Kris at Perry.