Ipinadama ni Agot ang kanyang pagmamahal at pakikisimpatya sa lahat ng mga empleyado ng ABS-CBN na tuluyan nang nagpaalam sa kani-kanilang mga trabaho.
Sa pamamagitan ng Twitter, ipinagdiinan ng aktres na hindi sila nagtatrabaho sa ABS-CBN para lamang sa pera.
Aniya, “Working for ABS-CBN isn’t solely about livelihood.
“It’s a COMMITMENT to make the world a better place. And we all share that vision.”
“Even if you take our home away from us, the vision lives in all of us,” hugot pa ni Agot.
Sa kabila raw ng ginawang panggigipit at pagpapasara ng Kongreso sa network, naniniwala siya na hindi pa rin dito natatapos ang lahat.
“We will be back. Fighting. Better. Stronger. #KapamilyaForever,” tweet pa niya.
Bago ito, matapang ding ipinahayag ng aktres na babangon muli ang ABS-CBN at ipagpapatuloy ang pagbibigay kasiyahan at serbisyo sa publiko.
Sa kanyang Instagram account ni-repost niya ang video na ibinahagi ni Amy Perez kung saan mapapanood ang station ID ng ABS-CBN na kinunan noong 1996 para sa ika-50 taon ng network.
Caption ni Agot sa nasabing post, “Thinking of ABS-CBN and my fellow Kapamilyas. We will prevail.”
Samantala, nagbigay din ng mensahe sina Judy Ann Santos at Angel Locsin sa lahat ng mga na-retrench na empleyado ng network.
Ani Juday, “Sa lahat ng mga nakasama ko sa abs cbn.. mabuhay kayo! Hanggang sa muli nating pagkikita.. maraming salamat sa mga masasayang alaala at maraming taon ng pagtatrabaho.. habangbuhay kayong nakaukit sa aking puso.”
Pahayag naman ni Angel, “Isang pagpupugay sa mga nagpaalam na kapamilya. Maraming salamat. Hanggang sa muli.”