Nakatanggap ka na rin ba ng advisory mula sa Facebook na may mga pagbabago itong gagawin sa kanyang terms of service?
Ayon sa Facebook, mula Oktubre 1 ay maaari na nitong tanggalin ang anumang post na pwedeng magdulot sa US tech giant ng problemang legal o mga suliraning may kaugnayan sa regulasyon sa mga bansa kung saan ginagamit ang kanyang platform.
Eto ang buong advisory ng Facebook: “Effective October 1, 2020, section 3.2 of our Terms of Service will be updated to include: ‘We also can remove or restrict access to your content, services or information if we determine that doing so is reasonably necessary to avoid or mitigate adverse legal or regulatory impacts to Facebook.'”
Ang partikular na seksyon ding ito ng Terms of Service ng Facebook ay kinapapalooban ng mga kasunduan kung sino ang pwede at hindi pwedeng gumamit sa social networking platform at ang mga bagay na pinahihintulutan at ipinagbabawal sa Facebook.
Ipinalabas ang advisory habang umiinit ang girian ng Facebook at pamahalaan ng Australia kaugnay sa panukalang batas na mag-oobliga sa mga higanteng social networking platforms, kabilang ang Google, na bayaran ang Australian media sa paggamit ng kanilang balita at iba pang impormasyon.
Matagal nang umaangal ang maraming publishers sa buong mundo dahil pinagkikitaan umano ng mga digital platforms ang kanilang impormasyon. At bagama’t daluyan lamang sila ng mga ginawa ng media networks, malaking bahagi ng kita sa digital advertising ay nakokopo ng Facebook at Google.
Sa panukalang batas ng Australia, sinasabi na maaaring magbuo ng arbitration panel sakaling hindi magkasundo ang publisher at US tech giants kung magkano ang karampatang bayad na matatanggap ng news website.
Pero nagmatigas ang Facebook at nagbabala na kung maisasabatas ang panukalang lehislasyon ay mapipilitan umano itong ipagbawal na lamang ang pagpo-post ng mga balitang lokal at international sa Australia.
“This is not our first choice — it is our last,” ayon kay Will Easton, managing director ng Facebook sa Australia at New Zealand sa kanyang blog. “Pero ito na lamang ang tanging paraan para maprotektahan laban sa kahihinatnan na di naaayon sa lohika at makasasama, sa halip na makatulong, sa pangmatagalang sigla ng balita at sektor ng media sa Australia.”
Sinagot naman ni Australian Treasurer Josh Frydenberg ang banta at sinabing hindi ito pwedeng tumiklop sa harap ng pambabraso ng higanteng Facebook.
“Gumagawa ang Australia ng mga batas para isulong ang pambansang interes nito. Hindi kami tumutugon sa mga pamumwersa at matitinding banta kanino man ito nanggaling,” sabi ni Frydenberg sa isang pahayag.
Maging ang Google ay nagpahayag ng oposisyon at nagbabala na ang panukalang batas ay “maglalagay sa panganib sa libreng serbisyong ibinibigay” nila.
Naniniwala ang mga analysts na ang matigas na postura ng Facebook sa Australia ay isang mahigpit na babala sa iba pang pamahalaan sa daigdig, lalupa sa Europa, kung ano ang maaring gawing hakbang ng social media giant sakaling sundan nila ang yapak ng Australia.