Gladys humagulgol sa FB Live, niloko raw ng fiancé: Grabe ‘tong ginawa mo sa akin

IYAK nang iyak ang komedyanang si Gladys Guevarra nang humarap siya sa publiko sa pamamagitan ng Facebook Live.

Ibinandera niya sa lahat ng kanyang FB friens at followers ang pinagdaraanang problema partikular na sa kanyang food business matapos silang maghiwalay ng partner niyang si Leon Sumagui.

Isa si Gladys sa mga celebrities na talagang kinarir ang food business online lalo na nang magkaroon ng COVID-19 pandemic. Kung anu-anong pagkain ang tinitinda niya para dagdag kita.

Pero bigla nga niyang in-announce sa FB na kinailangan niyang i-cancel lahat ng order dahil sa nangyari sa kanila ng kanyang non-showbiz boyfriend.

“Hi guys! Kailangan ko po mag announce, na lahat po ng naka order na at nakapag bayad para sa Palitaw at kalamay at puto, ikina-cancel po muna namin lahat, sa mga di inaasahang pangyayari.

“And yes, kinakailangan po naming i-refund lahat ng pera ninyo. Maraming salamat po. Aayusin na po namin ito sa lalong madaling panahon. Thank you po sa pang unawa. magla live po ako a liitle bit later to explain ano nangyari.

“For the meantime, pinapa-deposit ko po pabalik sa inyo ang mga pera ninyo. Wag po kayo mabahala, at wala po sa akin ang pera. Pero inaayos ko na pong maibalik sa inyo lahat,” ang mensahe ni Gladys.

Pagkatapos nito, nag-live nga sa FB ang TV host-comedienne para magpaliwanag sa nangyari. Aniya, ang personal bank accounts at GCash account daw ng BF niya ang gamit niya negosyo.

Wala raw kasi siyang online access sa sarili niyang bank account, “Pumayag ako out of trust, out of good faith dahil nga partner ko siya at karelasyon ko siya.

“Ito pong hindi inaasahang kadahilanan ay medyo hindi kami nagkaroon ng magandang pag-uusap from last night, hindi kami nagkaunawaan, hindi kami nagkaintindihan,” simulang paglilinaw ni Gladys.

Patuloy niya, “Dumating po kami sa puntong, okay, fine, hiwalay na po kami today. Wala na po kami today.

“But as I’ve said buong maghapon today, ‘yun po ang inasikaso ko, ‘yung maibalik ang pera because, sabi ko, sa tagal ko sa industriyang ito, never po ako nagkaroon ng problemang tungkol sa pera.

“Never pong nasira ang pangalan ko tungkol sa pera at ito po ‘yung kinakasama ng loob ko ngayon. Ayaw nang sumagot ngayon (ni Leo, ayaw nang ibigay, ayaw nang sumagot ng tawag,” lahad pa niya.

“Pasensya po, pasensya na talaga kayo. Ayaw kong mangyari ‘to kasi inaalagaan ko ‘tong page na ‘to. Marami na rin ako naging kaibigan dito. Nakita niyo ‘yung ginawa pati sa computer room, dinown niya ‘yung system. Nandu’n lahat ng bank details and everything.

“Ito lang ang hawak ko, ‘yung print. Hawak ko ‘yung ibang pera. Ititigil ko muna ‘yung luto, ibabalik ko lahat ‘to sa inyo,” pahayag pa ng komedyana habang ipinakikita ang magulo niyang working area.

Napakasakit daw para sa kanya ang nangyari lalo pa’t minahal niya ang kanyang partner, bukod pa sa engaged na sila.

“Hindi ako naiiyak Leon kasi nawala ka. Wala kang kuwentang tao. Wala kang kuwentang tao.

“Bawat kibot sa ‘yo pera. Kung ito hindi nagma-matter sa ‘yo, ang tingin mo dito negosyo lang, passion sa akin ‘to kasi pagluluto ‘to. Grabe ‘tong ginawa mo sa akin, Leon, grabe,” pagsusumbong pa niya sa mga FB followers niya.

Pahabol pa niya, “Hindi na masakit yun pagkawala mo. Masakit yun ilan tao ito na tinanggal mo ang tiwala sa akin.

“Thank God at naibalik mo (ang pera). Pero pinahirapan mo ako sa pag down ng system ng mga orders, so paano ko ibabalik mga yun?”

“I’m sorry. Stressed na stressed na ako kasi gusto kong ibalik itong pera ninyo. Kailangan nyo po akong tulungan. Titigil ko muna mga orders. Babalik ko po pera ninyo,” paniniguro ni Gladys sa mga customer niya.

Wala pang paliwanag si Leon tungkol sa mga pahayag ni Gladys. Bukas ang BANDERA sa gagawin niyang paglilinaw hinggil dito at agad naming ilalabas ang kanyang panig.

Read more...