Isang livestock carrier na may 43 na tripulante, kabilang ang 39 Pilipino na seafarers, ang lumubog sa karagatan malapit sa timog na bahagi ng Japan.
May lulang 5,800 na mga baka ang Panamanian-flagged na barko nang ito ay lumubog makaraang magpadala ng distress call noong Miyerkules, ayon sa ulat ng Department of Foreign Affairs.
Hindi pa batid ang dahilan ng distress call, pero masama ang panahon at malalaki ang alon sa lugar noong araw na iyon dulot ng Bagyong Maysak.
Kaagad na nagpadala ang Japanese Coast Guard ng partrol boats at P-3C surveillance aircraft para hanapin ang nawawalang 11,947-ton Gulf Livestock 1 na barko at ang lulan nitong crew members.
Isang Filipino seaman ang nailigtas ng Japanese navy matapos na makita siyang nakalutang sa tubig na may suot na life vest, ayon pa sa DFA, batay sa ulat ng Philippine Embassy sa Tokyo at ng Philippine Consulate General sa Osaka.
Sinabi ng DFA na sinusubaybayan ng Consulate General sa Osaka ang sitwasyon at patuloy itong nakikipag-ugnayan sa coast guard ng Japan na kasalukuyang nagsasagawa ng second search and rescue mission.
Maliban sa 39 na Pilipino, ang barko ay may lulan din na dalawang seafarers mula sa New Zealand at dalawa rin mula sa Australia.
Ayon sa VesselFinder, ang Gulf Livestock 1 ay naglalayag patungong Jintang sa China nang maganap ang sakuna.
Samantala, ang DFA Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs at ang Philippine Overseas Labor Office sa Osaka ay mahigpit na nakikipag-ugnayan naman sa Korpil Ship Management and Manning Corp., ang lokal na manning agency ng mga Pilipinong seafarers.