NAIYAK sa tuwa ang singer-actress na si Vina Morales dahil pagkalipas ng dalawang taon ay ibinasura na ng korte ang libel case laban sa kanya.
Ang tinutukoy namin ay ang pagkaka-dismiss ng kasong libelo na isinampa ng ama ng anak (Ceana) niyang si Cedric Lee noong 2018 sa mga lungsod ng Palayan (Nueva Ecija), Pasig, Paranñaque, Mandaluyong at Quezon.
Pati ang two counts of cyber libel na lumabas sa dalawang video interview na uploaded sa YouTube noong Hunyo 17, 2016 ay dismissed na rin sa lungsod ng Caloocan.
Ayon sa ulat, nag-ugat ang kaso ni Cedric kay Vina nang sampahan siya diumano ng kidnapping at illegal detention sa anak nilang si Ceana sa hindi nito pagsauli sa bata sa araw na pinag-usapan nila.
May shared custody sina Cedric at Vina sa anak nila at kahit nasa out of the country shows ang huli ay inatasan naman niya ang mga kapatid niyang sina Sheila at Shaina Magdayao na alagaan ang anak bilang guardian ng bata.
Itinanggi naman ni Cedric na kinidnap niya ang sariling anak kaya niya sinampahan ng libelo si Vina.
Samantala, may video post si Vina na sobrang tuwa niya pagkatapos dumalo sa hearing kasama ang legal counsel niyang si Atty. Mary Ann Lucille Sering sa Caloocan Regional Trial Court kahapon.
“Gusto ko lang po i-share sa inyo eto dahil napakalaking apekto, pagsubok ang pinagdaanan ko, ng anak ko at buong pamilya ko ng ilang taon.
“Pasensya na sa mata kong maga dahil umiyak ako kagabi (nag make up cover ayun puno ng foundation ang mask ko) nalaman ko na may court hearing ako today, s’yempre dahil sa pandemya takot po ako lumabas.
“Pero kailangan um-attend kami ni Atty @lucillesering, sinusulat ko eto na naiiyak dahil po thankful at grateful po ako kay Atty. Lucille na hindi n’ya kami pinabayaan ni Ceana sa mga laban ng napakadami pong kaso simula pa nu’ng 2013.
“Salamat din sa assistant n’yang si Ate Glenda at Atty @seringdipity sa tulong . Today po dismissed na po ang Caloocan case na simula pa nu’ng 2018. Na dismissed na rin po ang Nueva Ecija City (Palayan), Pasig City, Parańaque City, Mandaluyong City, Quezon city at ngayon Caloocan City. Gusto ko lang pong magpasalamat sa lahat po ng tumulong at nagdasal po sa amin. Alam n’yo kung sino kayo at Diyos na lang po ang bahala sa inyo.”
Nabanggit ni Vina na isang kaso na lang ang natitira, ang San Juan City na hindi naman binanggit kung ano ito.
Aniya, “Isa na lang po ang natira, San Juan City case na lang po since 2013 at Alam ko rin na hindi rin kami pababayaan ng Diyos.
“Nag desisyon akong i-share sa inyo kasi sa panahon natin ngayon gusto ko lang pasalamatan ang pamilya ko at mga matalik kung kaibigan na sumuporta po sa amin. Sana matapos na ang lahat ng eto. Move on na po tayo. Let’s be thankful and grateful and also let’s be kind to each other. Thank you Lord Jesus. God is good. All the time.”
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay ilang beses kaming nagpadala ng mensahe kay Vina para sa karagdagang detalye pero hindi pa niya kami sinasagot.