NANINIWALA ang Kapamilya actress na si Angel Locsin na muling lilipad si Darna sa tamang panahon.
Nanghihinayang man, naiintindihan ng actress-TV host ang desisyon ng ABS-CBN at ng Star Cinema na pansamantalang itigil na muna ang produksyon ng bagong movie version ng “Darna”.
Ayon sa dalaga, mas makabubuti ito sa lahat ng taong involved sa project dahil patuloy pa rin ang banta ng coronavirus pandemic sa bansa.
“Nanghihinayang ako. Sayang kasi ‘yung panahon ngayon, panahon na kailangan natin ng hero.
“Maganda sana especially sa mga kabataan na meron tayong someone na tinitingala natin.
“Yung merong makakapagligtas sa atin sa lahat ng mga pinagdadaanan natin. Sayang ‘yung pagkakataon,” pahayag ni Angel sa pakikipagchikahan niya sa TV and movie writer na si G3 San Diego.
Pero sey ni Angel, “Tama naman ‘yung decision for safety ng lahat. May pandemya so kailangan natin sumunod sa protocol.”
Dagdag pa ng aktres, kahit na nakansela ang muling pagsasapelikula ng kabayanihan ni Darna mananatili pa ring buhay ang kanyang legacy sa mga Pinoy.
“Nandiyan na noon pa man. Hindi siya nawawala. Sabi nga nila, ang bato ni Darna, patuloy na nagniningning iyan at pupunta iyan sa taong karapat-dapat.
“Huwag po kayong mag-alala, babalik si Darna,” ang paniniguro pa ng tinaguriang real life Darna dahil sa ipinakikita niyang kabayanihan sa tunay na buhay mula noon hanggang ngayon.
Kamakailan ay naglabas ng official statement ang ABS-CBN upang ipaalam sa publiko na hindi na matutuloy ang “Darna” project na pagbibidahan ni Jane de Leon dahil sa COVID-19 pandemic.
“We are committed to following production guidelines under the ‘new normal’ and the safety of the actors and production team is a top priority.
However, because the movie requires complex logistics, crowd shots, and fight scenes that involve physical contact, it will be difficult to give justice to the superhero film while strictly adhering to the guidelines.
“We are still in the midst of an unprecedented health crisis that makes it also difficult to assess when cinemas will recover and see audiences returning,” pahayag ng ABS-CBN.