Nangako naman ang cast at buong produksyon sa manonood na isang hindi malilimutang ending ang ibibigay nila sa pamamaalam ng programa.
Ayon sa direktor ng “Love Thy Woman” na si Andoy Ranay, siguradong magmamarka sa madlang pipol ang magiging ending ng kuwentong sinubaybayan ng milyun-milyong Pinoy mula simula hanggang ngayon.
Aniya, talagang pasabog ang aktingan ng bawat karakter sa nalalapit na pagtatapos ng serye at yan daw ang dapat abangan ng viewers.
“Kumbaga nakasanayan na nila. Kasama nila itong buong lockdown hindi ba? Noong ECQ, MECQ, GCQ kasama nila ang ‘Love Thy Woman’ so parang nakasanayan na nila kasama na tuwing hapon ito ang papanoorin nila kaya mami-miss lang nila,” pahayag ng direktor.
“Pero bibigyan po namin kayo ng magandang ending. Huwag po kayong mag-alala,” aniya pa.
Malungkot man dahil malapit na ngang magtapos ang serye, happy pa rin ang buong cast dahil naipagpatuloy pa rin “LTW” sa kabila ng pandemya.
Para sa isa sa mga kontrabida ng serye na si Yam Concepcion, nakakataba ng puso na marami pa rin ang nagre-request na huwag munang tapusin ang kanilang programa.
“That’s very flattering at saka masarap sa pakiramdam ‘yan. Siyempre pinaghirapan namin lahat ng mga eksena, lahat ng mga ilalabas namin na mapanood ng audience. Maganda that they are very into the show. Ang saya,” chika ni Yam.
Dagdag pa niya, “So tingnan natin kung magkaroon ng Book 2, pero parang malabo yata ‘yon. Kahit gusto ko man magkaroon ng Book 2.
“Siguro we just promise, pina-promise namin sa inyo na magiging maganda ‘yung ending. Hindi namin kayo madi-disappoint, ‘yun na lang,” aniya pa.
Tutukan ang nalalapit na pagtatapos ng “Love Thy Woman” at alamin kung ano nga ba ang ipinagmamalaking ending ng produksyon. Kasama rin dito sina Sunshine Cruz, Ruffa Gutierrez, at Eula Valdez.
Napapanood ang “Love Thy Woman” sa Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live pagkatapos ng “It’s Showtime.”