MALALIM ang hugot ng aktor at anak ni Jose Manalo na si Nicco Manalo sa isang basher na nanglait sa kanyang itsura.
Tatawanan na lang daw sana niya ang pang-ookray ng hater pero tila mas nanaig ang kanyang emosyon dahil nasaktan siya sa kanyang nabasa.
Nag-ugat ito nang may mag-comment sa isa niyang Instagram post tungkol sa pelikula niyang “Tayo Sa Huling Buwan ng Taon” na isa ngayon sa top 10 most streamed shows sa Netflix Philippines.
Gumanap sa movie si Nicco bilang si Sam, isang college professor na nagkaroon ng relasyon sa kanyang estudyante.
Komento ng netizen, “Moral of the story – Kung di ka gwapo at gusto mong magka fc ng maganda o maging chickboy ka, mag teacher or professor ka tapos syotain mo students mo.”
Narito ang mahabang sagot sa kanya ni Nicco: “I saw this post under the comment section of one of the memes promoting our film.
“While I am aware na ang pinasok kong industriya ay may standards base sa panlabas na histura ng tao, (alam ko dahil naranasan ko na ring maging bahagi ng production team), hindi ko naiwasang maapektuhan. Masaktan.
“Una dahil sa panahon na mas maraming problema sa mundo ay kaya nating magbitaw ng masasakit na salita sa saglit na paghusga o pakiramdam.
“Pangalawa dahil nakuha ko pang masaktan kahit alam kong mas maraming mabigat na problema sa mundo. Paumanhin.
“Pangatlo, dahil nung tinanggap ko ang pagganap sa role na ito ay hindi ko naisip ito. Ang nangibabaw sa akin ay ang pakiramdam na sa wakas mabibigyan ako ng pagkakataon na maging pangunahing artista sa isang pelikulang magkukwento ng isang katotohanan na hindi natin madalas pipiliing panoorin kung may pagkakataon tayong mamili,” pahayag ng magaling na aktor.
Patuloy pa niya, “Ang masakit ay madaling napapaliit ang halaga ng mga bagay dahil lang kaya natin magsalita o magbahagi ng saloobin sa pamamagitan ng pagtype sa mga keyboard ng mga gadgets natin.”
Dagdag pa niya, “Pinilit kong itawa ito, pinilit ko pang ipost sa Facebook dahil gusto ko magpaka sarcastic at sabihin sa sarili ko na ganun talaga.
“May realidad na ganito, ngunit matapos kong makatanggap ng tatlong laughing emoji ay hindi ko na kinaya.
“Sinabi ko sa sarili ko na hindi ko titignan at susubaybayan ang reaksyon ng mga tao sa paglabas ng pelikula namin pero nabigo ako.
“Sa panahon na walang kasiguraduhan, natakot ako hanggang umabot ako dito. Nasaktan. At isa sa mga unang pagkakataon ay kinailangan kong iparinig ang nararamdaman ko.
“Maari akong mahusgahan pagkatapos nito. Maaring sabihing kaartehan at pagiging narcissistic ang hakbang na ito na ipost ito. Maaring pa ngang sabihin na for publicity ang pag kwento ko. Maaring makalimutan niyo ito after 3 days. At maaring hindi niyo talaga pansinin.
“Wala pong agenda, artista lang na nagkaron ng masayang araw dahil sa nakamit nila ng mga bumuo ng pelikula na nadaplisan ng comment na baka nga wala namang intensyon manakit. Pero masakit po. lalo na pag binalikan mo yung panahon ng pagbuo ng mga pelikulang ito,” lahad pa ng anak ni Jose.
Sabi pa ni Nicco, “Hindi ako humihingi ng kakampi o anuman. Baka burahin ko rin ito, bukas o sa makalawa. Alam kong mahirap at nahihirapan tayo at kanya kanyang bigat ang dala. Pilitin sana nating piliin na lumampas sa unang husga bago tayo mag-reply o mang bash, o maliitin ang halaga ng iba.
“Mahirap oo kahit ako pinipilit ko. Alam kong entitled tayo sa opinyon natin, at salamat sa inyong mga saloobin. wag lang sana nating kalimutang magpakatao higit kailanman ngayon ang panahon. Wag sana nating hayaan na mamanhid tayo.
“Nagbababago ang mundo. Paumanhin muli. Kailangan ko ilabas ito. Salamat sa lahat ng sumuporta sa pelikula namin, at sa lahat pa ng mga pilipinong piniling ibahagi ang kanilang likha sa panahon na ito. Mag ingat po tayong lahat,” huling bahagi ng kanyang mensahe.