Juday sa mga anak: Kailangan ngayon pa lang turuan na sila ng survival skills

 

SA mura nilang edad, tinuturuan na nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo ang mga anak ng iba’t ibang gawaing bahay.

Malaki ang naitulong ng community quarantine para matutukan ng mag-asawa ang pangangailangan ng tatlo nilang anak.

Ayon kay Juday, bilang nanay aminado siyang kailangan niyang i-level up ang kanyang energy at kaalaman sa iba’t ibang bagay para makasabay sa mga anak nila ni Ryan.

“Ngayong araw-araw tayong magkakasama, ito yung time for us to nurture our kids more.

“I-enjoy natin ‘yung bawat moment na kasama natin sila dahil our kids really look up to us, ginagaya nila tayo,” pahayag ng aktres sa isang panayam.

“Kaya kung ano yung sabihin natin, gawin natin, pano tayo magdamit, paano tayo mag-alaga sa kanila, ibinabalik nila sa atin yun,” dagdag niya.

At para masabayan ang takbo ng utak ng mga anak pati na ang interes ng mga bagets, “level up” din si Juday sa pagre-research online.

“Nag-aaral ako with them dahil bilang nanay kailangan mo rin i-level up ang knowledge mo sa kung ano ang ginagawa ng mga anak mo.

“Kasama din nila ako magresearch tungkol sa mga bagay bagay dahil minsan mas alam pa nila kung ano yung mga bago at trending kaysa sa’kin at mas natututo ako from them and with them,” lahad ng TV host-actress.

At bukod sa pagtururo ng mga gawaing bahay, tinuruan na rin nina Juday ang mga anak na magtanim sa mismong bakuran nila. Sa katunayan, nakapag-ani na raw sila ng mga gulay na isinasahog niya sa mga nilulutong pagkain.

“Recently nagtatanim kami nina Lucho at Luna ng mga veggies na pwede naming ulamin,” kuwento ni Juday.

Dagdag pa niya, ngayon pa lang ay kailangan na nilang turuang maging independent ang mga bata.

“We need to equip our children with basic survival skills tulad ng pagluluto, paglilinis, paglalaba, at paghuhugas ng pinggan para paglaki nila, hindi sila nakadepende sa ibang tao dahil naturuan natin sila at this early age,” diin ng misis ni Ryan.

Read more...