UMAARAY na rin ang aktor na si Richard Yap sa matinding epekto ng COVID-19 pandemic sa kanyang mga negosyo.
Halos anim na buwan na ring nakatengga ang ilan sa kanilang restaurant business dahil sa ipinatutupad na community quarantine sa bansa.
Sa ngayon unti-unti pa lang nakakabangon ang karamihan sa mga negosyo sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas dahil pinayagan na uli ang operasyon ng mga restaurant alinsunod sa health protocols ng gobyerno.
Ngunit ayon sa ulat, mas marami pa rin ang nananatiling sarado dahil sa patuloy na banta ng killer virus. Natatakot silang makompromiso ang kanilang mga empleyado pati na rin ang mga customers.
“Yung restaurant business, grabe ‘yung effect doon. It’s given us a lot of hardship especially to all our employees also kasi karamihan walang trabaho.
“Siyempre saan mo kukunin ‘yung ipambabayad mo ng everyday necessities, di ba,” pahayag ni Richard sa “I Feel U”.
Dugtong pa niya, “Alam naman natin na nawalan din tayo ng mga projects because of what happened to our home network.
“That also caused a lot of stress not only for us but for everyone who’s been working there. Dagdag hirap talaga,” chika pa ni Ser Chief patungkol sa tuluyang pagpapasara sa ABS-CBN.
Samantala, hindi naman sinayang ni Richard at ng kanyang pamilya ang pagkakataon na magkakasama silang lahat sa bahay ngayong may lockdown.
Habang naka-stay at home lang, nag-isip sila ng iba’t ibang paraan para tuloy lang ang pagtulong nila sa kanilang mga empleyado na umaasa lang din sa kanilang kinikita.
“It’s brought us a lot of time to think also and brainstorm. While we are on lockdown, we came up with other ideas and new business also for the kids,” ani Richard.
Tungkol naman sa kundisyon ng buhay nila ngayong patuloy pa rin ang banta ng COVID, “We are all okay. Nandito lang kami sa house. It has given us a lot of time to be together. It’s nice also, a break from our hectic schedules.
“At least may oras tayo with our family ngayon. Of course it’s very nice na magkakasama kami parati,” sabi pa ng aktor.
“Even though it’s hard, even though you’re the one who feels the most pressure, hindi mo pwede ipakita sa kanila. Kasi kung ganyan ka, paano na sila?” pahabol pa niya.