Erich, Enchong nagsasabihan ng ‘I love you’, parehong naniniwala sa forever

SA latest vlog ni Erich Gonzales kasama si Enchong Dee na may titulong “Seafood Mukbang” ay natanong ang dalawa kung hindi ba sila nag-develop sa isa’t isa?

Sa malimit kasi nilang pagsasama at sa tagal na nila bilang special friends, ay anu-ano nga ba ang pumipigil sa binata para ligawan ang dalaga.

Siyempre habang sinasagot nila ang mga tanong mula sa kanilang YouTube subscribers ay lumalafang sila ng seafood na talagang maglalaway ka rin sa gutom habang nanonood.

Matatandaang nasulat namin dito  nu’ng isang araw na kapag nagkatuluyan sina Erich at Enchong ay posibleng maging bilyonaryo sila dahil pareho silang masinop sa buhay at lahat ng uri ng pagkakakitaan ay pinapasok basta’t legal.

Narito ang ilang mga tanong sa dalawa at ang kanilang naging sagot.

When you guys first met? “Ang alam ko ‘Katorse’ (teleserye ng ABS-CBN noong 2009),” sabi ni Erich na dinugtungan naman ni Enchong ng, “Pero ang alam ko nagkikita-kita na rin tayo sa Star Magic pero kilala na kita bago pa ako nag-artista kasi nagkasama kayo ni kuya (AJ Dee).”

Ilang years na kayo magkaibigan? “Feeling ko sa Katorse, doon siya nag-start,” sagot ng binata. “Doon talaga nabuo, ‘no? So, 11 years na.  Grabe gurang na (kami),” say naman ng dalaga.

Ano ang impression ninyo sa isa’t isa? “Well, kasi ako napapanood kita at ang una talagang nag-i-strike sa akin is cheeks, alam mo naman di ba (sabay tingin kay Erich),” saad ni Enchong. “Ano, chicks?” sabi naman ni Erich.

“Hindi chicks, cheeks pisngi!” paglilinaw ng aktor.

“Ahhhh, cheeks, bakit iba ang pandinig ko?” natawang sabi ng aktres. “So, anong impression mo sa cheeks? Ano matapang ganu’n?”

“Hindi cute saka mukhang nene talaga no’ng time na ‘yun,” sagot ng binata.

“Ako naman impression ko kay Chong, tahimik parang quiet lang super. ‘Yun pala iba, kabaligtaran po,” kunot-noong sabi ni Erich sabay subo ng shrimp.

Hirit naman ni Enchong, “Kasi nu’ng nagsisimula pa lang ako (tahimik), ‘yun pala balahura. Ha-hahaha!”

“Napakakulit, napakaingay po pero in a nice way naman,” bawi ni Erich.

How do you guys maintain your friendship? Sabi agad ng binata, “Ako, sa akin communication.”

“Or kahit text di ba?” saad ng dalaga. “Kasi sometimes busy ‘yung tao.”

Naalala pa ng aktor, “Tapos nakita ko merong na-save na video ‘yung mga fans na nag-Be My Lady ka tapos nag-visit kami. It reminds me that our friendship even though we’re working in different project we still have constant communication.”

“At never ‘yun nawala,” diin ng aktres. “And that’s very important,” sagot pa ni Enchong.

How can you be so comfortable with each othe? “It took time kasi siyempre habang nagtatrabaho tayo (pakiramdaman),” sabi ng binata.

“Nag-jive ba at sa sobrang kumportable namin sa isa’t isa at ‘yung mga nagawa naming teleserye at may intimate scenes ganyan, love scenes, sinong (kapareha), sabi si Enchong Dee, ah okay, sige.  Kaya lang sa sobrang kumportable na hindi na siya nagtu-toothbrush, grabe!” ani Erich.

Hirit ng binata, “Sabi ko, ‘day wag ka na ring mag-toothbrush para pareho tayo.”

Have you ever felt na fall na kayo sa isa’t isa? “Well I have to be honest nagkaroon ako ng crush especially nu’ng Katorse kasi hindi pa naman tayo friends pa agad so may mystery pa.

“Pero sometimes you will decide whether to (pursue the feelings) or save (na lang) the friendship will last kasi kapag naghiwalay kayo nag-uusap,” pahayag ni Enchong.

“I know what you’re talking about kasi sometimes pag super (close) na ang friendship ninyo na grabe na, doon pumapasok ‘yung ‘what if pag itinuloy mo ‘tong nararamdaman mo, baka masira na kayo, wala na talaga,” paliwanag ni Erich.

Dugtong ng binata, “Saka ayoko kasi ‘yung, even with my exes na somehow I get to talk to them, ang hirap kasing umabot sa point na ‘yun na once nag-break kayo.”

Is Erich your ideal girl? “Oh yeah! Growing up yes, like I’m observing you (sabay tingin kay Erich), the way you put up your house, even the way you carry yourself now, the way you dress up, the way you carry everything.

“When you observe someone, this is someone I want to spend my life with. The reason why I like hang-out in here (bahay ni Erich) because this is something I don’t mind living in, walang masyadong gamit pero maraming pagkain.”

Nakangiting sagot naman ng dalaga, “Thank you.”

Why do you always look Erich she’s the girl I want to be with forever? “This is how we look at each other, walang meaning po, it’s a sign of comfortability and trust,” say ng aktor.

If given a chance, would you date Erich and would you say yes to Enchong? “I think we’ve been on a date, eh,”sambit ng binata.

“Weh, oh, wah,” reaksyon kaagad ng dalaga.

Paliwanag ng aktor, “I think with group pero ‘yung hang out na tayong dalawa lang (umiling ang aktor).”

“Would you say yes to Enchong? Napakabuting tao ni Enchong bakit naman hindi magye-yes kay Enchong, pero siyempre babaan n’yo lang ‘yung expectations n’yo, wag masyadong mataas (sabay tawa),” ng aktres.

Are you sure you don’t have feelings to each other in a romantic way?

“We do love each other pero not in a romantic way,” sagot ng magkaibigan.

Nabanggit pa ni Erich na nagsasabihan silang dalawa ni Enchong ng, “I love you” kahit maraming nakakarinig.

Naniniwala ba sila sa forever? “For me, there is forever with the right person,” say ni Erich, “Kasi lahat naman tayo may taong nakalaan para sa ‘yo di ba? Someone really meant for you. Pag ibinigay na sa ‘yo siyempre alagaan mon a ‘yun.”

“Ako naniniwala sa forever pero you have to work on it. You have to do your part hindi siya puwedeng o dapat forever ha, hindi ganu’n,  You will go to struggles, you will go thru problems, you will go thru relationship nab aka hindi ma=survive so you have to work it out for you to have a forever,” pahayag ni Enchong.

Samantala, natanong kung kailan sila muling makitang magkasama sa isang serye at nabanggit nilang mayroon silang digital series mula sa Enrich Original YouTube channel na mapapanood na soon.

Read more...