Jodi bilang cool mommy ni Thirdy: Nandito tayo hindi para magkontrabida sa buhay nila

INAMIN ni Jodi Sta. Maria na inaalam at kinikilala rin niya ang mga nagiging kaibigan ng teenager niyang anak na si Thirdy.

Pero agad ding dumepensa ang Kapamilya actress na hindi naman siya yung tipo ng nanay na mala-kontrabida ang dating sa social life ng anak.

At dahil turning 15 na nga si Thirdy this year, alam ni Jodi na unti-unti na ring nagbabago ang mga gusto at pananaw ng bagets sa kanyang buhay.

Sa panayam ng online talkshow na “I Feel U” kay Jodi, natanong siya ni Toni Gonzaga kung may crush na si Thirdy at kung nire-research niya sa internet o social media ang mga girls na natitipuhan ng anak nila ng dating asawang si Pampi Lacson.

“I think it’s okay lang (mag-research). Children, they have to understand na if we do research, it’s not because gusto natin magkontrabida or makialam or manghimasok sa buhay nila, which may karapatan tayo bilang tayo ang kanilang mga ina, hindi ba?” pahayag ng single mom.

Aniya pa, “We just want to make sure na tama ba itong natitipuhan ng anak ko? Ano ba ang mga tipo niya? Part iyan ng research natin kung ano na ba ang mga likes niya pagdating sa crushes or klase ng mga friends.”

Natanong din si Jodi kung ano ang pinakamatinding challenge na hinarap niya bilang single mom. Tugon niya, “I think siguro ‘yung first part of me being a single mom, that part of transition from having a family to doing things differently.”

“Hindi ko rin kasi pwede sabihing solo mom ako na ako lang talaga kasi I would be unfair kay Pampi kasi he’s very much involved in the life of his son,” diin ng award-winning actress.

Maayos naman daw ang relasyon nila ni Pampi at hindi naman ito nagkukulang sa kanilang anak, “Wala naman akong masasabi doon. I thank the Lord na we are in good terms talaga. We are friends.”

Sa huli, ipinangako ni Jodi na gagawin niya ang lahat para mabigyan ng magandang buhay si Thirdy, “I think that no matter what happens, ipaglalaban mo na maitaguyod pa rin siya ng matino, ng maayos.

“Kahit na parang hindi ko man siya nabigyan ng isang buong pamilya, I made sure na I will always be here sa abot ng makakaya ko to provide him with a good life,” lahad pa niya.

Read more...