Direktor ng ‘Darna’ nag-react sa statement ng ABS-CBN; shooting ng ‘Quezon’ inaayos na

 

NAG-REACT si Direk Jerrold Tarog sa inilabas na official statement ng ABS-CBN tungkol sa pagkansela sa produksyon ng pelikulang “Darna” ni Jane de Leon.

Ito’y dahil pa rin sa patuloy na problema ng bansa sa COVID-19 pandemic. Nagdesisyon ang management na itigil na ang shooting ng proyekto kahit na P140 million na ang nagagastos ng Star Cinema.

Sa ilang taon na binuo ang bagong movie version ng “Darna” nalaman naming noong Enero 19, 2020 lang pala sinimulan ang shooting nito base na rin sa Instagram post ni direk Jerrold noon sa kanyang Darna Funko pop.

“Day 15” ang caption ng muli niyang i-post ang Darna Funko Pop, at ito na pala ang huli base na rin sa sagot niya sa netizen kung nakailang shooting days na ang “Darna.”

Aniya, “15 shooting days or 40 minutes rough cut. Plus, some…big plans. Welp.”

Buwan ng Hunyo ay nabanggit na sa amin ng aming source na hindi na tuloy ang “Darna” at pinakawalan na nga ang buong team kasama si direk Jerrold dahil hindi na nga itutuloy ang pelikula.

At kaya siguro nag-react ang direktor nang ilabas ng ABS-CBN ang official statement nitong Agosto 21 ng, “Long-delayed announcement. Somewhat delayed retweet.”

Samantala, move on na si direk Jerrold sa “Darna” kasama ang kanyang team dahil ang pelikulang “Quezon” mula sa TBA Studios na ang inaayos niya para sa sisimulang shooting sa 2021.

May nagtanong kay direk Jerrold, “Direk, how about your plans for Quezon? Will you still continue writing the screenplay for it in hopes by 2021 production can start?”

Sagot ni Direk, “Waiting for Rody Vera to finish the first draft. Then we’ll see how long it’ll take to come to life. Working on other stories in the meantime.”
 

Read more...