MARAMING Dabarkads ang nagtatanong kung bakit hindi pa rin bumabalik si Alden Richards sa live episode ng Eat Bulaga.
Para sa lahat ng fans ng Asia’s Multimedia Star, naka-self quarantine ngayon ang binata bilang preparasyon sa muli niyang pagsabak para sa bago niyang project.
Kailangang sumailalim muli sa swab test ang Pambansang Bae kasabay ng pagse-self isolation bago sumalang sa taping ng gagawin niyang bagong mini-series sa GMA 7.
Ito yung bagong pasabog ng Kapuso network na “I Can See You” drama series na pagbibidahan ng mga big stars ng GMA.
Ang magiging unang handog nga nito ay ang episode ni Alden kung saan makakasama niya sina Pancho Magno at Jasmine Curtis Smith.
Kung wala nang magiging problema, magsisimula na ang taping nina Alden ngayong linggo. Tatagal nang apat na araw ang produksyon ng nasabing programa.
Ayon sa nakausap naming executive ng GMA 7, talagang sinunod nila ang lahat ng health protocols bago simulan ang kanilang taping, kabilang na ang pagpapa-swab test sa lahat ng involved sa production.
Tulad na nga lang ni Alden na kinailangan pa talagang mag-absent muna sa Eat Bulaga para makapag-self quarantine at masiguro na negative siya sa COVID-19 bago sumalang sa taping.
Bukod dito, siniguro rin ng management na ligtas ang location na gagamitin nila sa taping kaya naman walang dapat ikabahala ang lahat ng taong involved sa production.
Ayon pa sa ating source, nakakuha na rin ng permit ang production mula sa local government kung saan nila kukunan ang buong mini series.
Ibig sabihin, talagang kumpleto sa dokumento at kaukulang permit ang GMA para sa pagte-taping ng “I Can See You” series.
Kung wala nang magiging problema, ngayong darating na Setyembre na ang airing ng nasabing drama anthology ng GMA.