IBINANDERA ng Kapuso actor na si Kevin Santos na natapos na rin niya sa wakas ang isa pa niyang college course.
Bukod sa pagiging licensed pilot, tagumpay ding naka-graduate ng Political Science mula sa Arellano University.
Wala mang naganap na graduation ceremony dulot ng COVID-19 pandemic, masaya at very proud na ibinalita ng Kapuso comedian na nagtapos siya bilang cum laude.
Sa kanyang social media post, ibinahagi niya ang bagong achievement na nakuha niya sa pagsisipag at pagsasakripisyo.
“Sa lahat ng pagod at hirap… SA WAKAS!!!”
“Ito na ang pinakamalaking maireregalo ko sa magulang ko hindi man ako nakasampa at nakasuot ng toga, okay lang importante hawak ko ang diploma.
“At as per registrar, pasok as cum laude ang grades ko!
“So waiting…” ang mensahe ni Kevin.
Kung matatandaan, ipinagmalaki rin ni Kevin ang pagiging licensed pilot. Caption niya noon sa litrato niyang naka-uniform bilang isang piloto:
“Pumasok sa isip ko, ‘2nd year high school lang ako. Kakayanin ko kaya lahat to?’ Nagdasal lang ako nang nagdasal at sinamahan ko ng sunog kilay na pag-aaral.
“Awa din ng Diyos, pasado lahat. Sarap lang sa pakiramdam na kahit 2nd year high school lang ako, nakaya ko tapusin ang unang yugto tungo sa pangarap ko basta nandiyan ang salitang ‘mag-aral mabuti’ walang imposible. Minsan babagsak ka pero hindi to handlang para tumigil ka.”
* * *
Proud na proud namang ibinahagi ng award-winning broadcast journalist na si Kara David na naka-graduate na rin ang tatlong anak ng yumaong kaibigang si Cesar Apolinario.
Ayon kay Kara, nakatapos din sina Remus Cesar, Sofia Ysabell at Athea Joyce ngayong school year and with honors pa.
Sa kanyang Instagram page, ibinalita ng Kapuso host-documentarist at founder din ng “Project Malasakit” ang nasabing good news.
“Cesar Apolinario’s kids graduate with honors,” aniya sa caption ng litrato ng mga anak ni Cesar.
“Very proud of our Project Malasakit scholars Remus, Sofia, and Athena Apolinario who all graduated with honors this year at Eastern Star Academy.
“Congratulations! Cesar must be smiling in heaven,” aniya pa.
Sa mga hindi pa nakakaalam, nang pumanaw si Cesar noong December, 2019 dahil sa lymphoma, ang Project Malasakit nina Kara ang sumalo sa pag-aaral ng tatlong anak ng Kapuso broadcast journalist bilang mga scholars.