Susan Roces binigyan ng maraming pera si Grace Poe; FPJ muling ‘nagparamdam’

 

BINIGYAN ng napakalaking halaga ng pera ni Susan Roces ang anak nila ni Da King Fernando Poe, Jr. na si Sen. Grace Poe.

Talagang ikinagulat ng senadora nang malaman kung magkano ang ipinadala sa kanya ng movie queen kamakailan lamang.

Pero alam n’yo ba na hindi siya ang unang nakinabang sa perang ito kundi ang ilang kaibigan ng ama niyang si FPJ na personal na nagpunta sa kanya para humingi ng ayuda?

Naikuwento ito ni Sen. Grace bilang bahagi ng pag-alala at selebrasyon nila para sa 81st birthday ng kanyang ama, ang nag-iisang Action King na si FPJ.

“August 20 ang birthday ng tatay ko, si FPJ, at mayroon akong kuwento tungkol sa kanya,” panimula ng senadora sa Kapihan sa Manila Bay forum kamakailan.

“Alam n’yo, maraming naging kaibigan ang tatay ko, mga naging katrabaho niya noon. Ilan sa kanila buhay pa ngayon at may mga nanghihingi ng tulong pinansyal. Ang ginagawa ko dahil hindi ko naman sila mahindian, yung kinikita ko bilang senador, dun ko kinukuha ang pinantutulong ko.

“Eh, hindi naman kalakihan ang kita ko kaya dumarating ‘yung pagkakataon na kulang. Then, isang beses, may nanghingi ng tulong. Bumalik uli dahil siguro talagang matindi ang pangangailangan.

“Nag-pray ako at sabi ko sa tatay ko, ‘parang tuluy-tuloy na ito,’ na magiging puntahan ako ng mga nangangailangan niyang kaibigan,” lahad pa ng anak nina FPJ at Susan Roces.

Patuloy pa niya, “Alam n’yo ba, nu’ng mismong oras na iyon, nakatanggap ako ng message mula sa mommy ko. May ibibigay daw siya.

“My mom kasi, meron siyang holding company na para sa iba’t ibang negosyo na itinayo ng pamilya namin noon pa.

“Mula nang mag-start ‘yung lockdown, pinapadalhan niya ako mula sa kita ng holding company. Pero nu’ng time na ‘yun, bigla siyang nag-decide na padalhan ako ng isang generous amount.

“Sabi ko, ‘Oh my God, sobrang laki nito na pwede nang masagot ang lahat ng assistance na hinihiling mula sa akin.’ Para ko tuloy narinig ang tatay ko na nagsasabing, ‘Wag mo nang indahin ‘yan, maliit na bagay lang ‘yan. Eto naman, meron laging solusyon.’

“Dahil nangyari ‘yun sa araw na may kaibigan siyang nanghihingi ng tulong sa akin, du’n ko natiyak na laging nandiyan si FPJ, patuloy na nagbabantay sa amin,” chika ng senadora patungkol sa pagpaparamdam ng ama.

Samantala, bilang bahagi pa rin ng birthday celebration ni FPJ, nag-donate ng 50 electronic tablets si Sen. Grace para sa mga mahihirap na estudyante na sasabak sa online at blended learning sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Tiyak kong matutuwa si FPJ para sa tulong na ito sa mga kabataang lubos na nangangailangan lalo na ngayong tayo’y may kinakaharap na malaking health crisis. Noong siya’y nabubuhay pa, madalas niyang sabihin at ipakita na mas malapit sa puso niya ang mga mahihirap nating kababayan,” saad niya.

Ibinigay ng senadora ang mga Cherry Mobile tablets sa Don Quintin Paredes High School sa Lungsod ng Quezon para ipamahagi sa kanilang mga estudyante. Tinanggap ni Ernest Ferrer Jr., principal ng nasabing eskuwelahan, ang mga gadgets mula mismo kay Poe, kasama and chief of staff at anak niyang si Brian Poe Llamanzares at Quezon City Vice Mayor Gian Sotto.

“Higit lahat sa panahong ito, hindi dapat maiwan sa pag-aaral ang mga kapuspalad nating estudyante dahil lang wala silang kakayahang bumili ng sarili nilang tablet para sa online education,” dagdag ng senadora na isa ring dating guro.

Idinagdag pa ng senadora na ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang grupo at indibidwal tungo sa isang layuning tumulong sa mga mahihirap ay matagal nang adbokasiya ni FPJ.

“Sa kanyang mga pelikula noon, siya man ang pinakabida pero ipinapakita rin na kailangan niya ang tulong ng mga tao, ng mga ordinaryong tao, para magtagumpay.

“Ganyan din tayo ngayon, kailangan nating magsama-sama para makabalikwas mula sa problemang dulot ng COVID-19,” aniya pa.

Read more...