NATAKOT at naduwag ang isang netizen sa banta ni Pauleen Luna na walang awang nanglait sa anak nila ni Vic Sotto na si Tali.
Dahil sa pang-ookray nito sa bata talagang nag-private message si Poleng sa bashet para sabihing kakasuhan niya ito ng “cyberbullying a minor.”
Hindi pinalampas ng TV host-actress ang netizen na nanglait sa anak nila ni Bossing na si Tali o Talitha Maria Sotto.
Nag-viral ang post ng Facebook page na @TRNDSmnl kung saan makikita ang palitan ng mensahe ni Pauleen sa Facebook user na si Patrich Walter L. Harris.
Base rito, hindi nagustuhan ni Poleng ang panglalait ng basher kay Tali nang i-repost nito ang Father’s Day tribute (June 21, 2020) mula sa Facebook page ni Tali.
Ito yung litrato ni Bossing Vic kung saan kalong niya ang anak na walang patumanggang pinintasan ni Patrick. Sinundan ito ng screenshot ng unang private message ni Pauleen sa netizen.
Nang mabasa ito ni Pauleen, agad siyang nagpadala ng private message sa basher. Nagpakilala siya sa netizen at sinagot naman siya ng, “Hello mars Pauleen. Kumusta ka?”
Hirit naman sa kanya ni Pauleen: “Ay hindi po tayo magka mars [smiling with closed eyes emoji].” Na sinagot ng basher ng, “sorry naman.”
Sabi naman sa kanya ni Poleng, “We can take this up in court if you like. Or you can post a public apology to the innocent child you’ve been shaming.” Nilagyan pa niya ito ng smiling with closed eyes emoji.
Pero ang sagot ng basher, mas gugustuhin pa niyang makulong kesa mag-sorry at mag-issue ng public apology.
Ngunit tila nahimasmasan ang netizen kaya nag-post din siya ng public apology sa pamamagitan ng kanyang Facebook account.
Aniya, “Ako ay taos pusong humihingi ng sorry sa inyong lahat. ako ay nagsisi sa mga nasabi kong mali sainyong lahat at sana tanggapin niyo. Ang taos pusong paghingi ko ng sorry.”
Sinundan pa ito ng kanyang post na nagsasabing napatawad na siya ni Pauleen sa panglalait kay Tali.
“Okay na kami nag sorry na ako tapos na. Kaya sana kayo rin maging okay na,” aniya.
Kasabay nito, ipinost din niya ang message ni Pauleen sa kanya matapos ang pag-iisyu niya ng public apology.
Sabi ni Pauleen sa kanya, “Thank you, Please think before you click next time. And always remember, wag man dadamay ng inosenteng bata.”