Diether, haciendero na nga ba at may bago na kayang asawa?

Diether Ocampo Facebook account

Pag-aari kaya ni Diether Ocampo ang maraming kabayong nasa North Polo Club, Pulilan Bulacan?

Kaya namin ito natanong ay dahil may mga post siyang pinakakain niya ang mga ito. At base sa komento ng followers niya, pinupuri ang actor dahil hands on siya sa pag-aalaga sa mga kabayo.

Kinunan niya ng video ang mga kabayo at ang caption niya ay, “buhay Pulilan Bulacan.”

At kamakailan lang ay sakay siya ng kotse na isa-isang binabati ang 18 hilerang kabayong may kanya-kanyang kulungan at ipinakita pa ang ibang kuwadra na kung tama ang bilang namin ay halos 100 lahat.

Nadaanan din ni Diether  ang mga nakatira sa hacienda at isa-isa niyang binati ang mga ito at saka naglibot pa.

Kung pag-aari nga ni Diether ang mga kabayo o hacienda ay natupad na ang pangarap niya na base sa pagkakatanda namin na sinabi niya noong aktibo pa siya sa showbiz ay pangarap niyang magkaroon ng malaking farm na kung saan maraming klase ng hayop na puwede niyang alagaan.

May mga larawang nakasakay siya sa mga kabayo at nago-golf din at nagpapalipad siya ng eroplano. Ibig sabihin,  licensed pilot na si Diet?  Isa lang ito sa pinagkakaabalahan niya kaya hindi na siya bumalik pa sa showbiz.

Bukod dito ay may post din siyang namahagi siya ng tulong na ang caption ng food packs, “there could be no greater charity than that of helping without expecting any benefit in return.”

Kaya lang tila wala pa rin siyang karelasyon dahil wala kaming nakitang larawan na pinost niya o kung mayroon man ay ayaw na niyang isapubliko para walang isyu.

Sana magkita kami ni Diether para tanungin namin siya kung nag-asawa na ba o kelan siya mag-aasawa ulit?

Kaya namin ito nasabi ay dahil nu’ng nakakakuwentuhan namin siya ay parati naming kinukulit kung kailan siya mag-aasawa na ang laging sagot sa amin ay, “Nag-asawa na ako di ba?  Minsan lang akog ikakasal at nangyari na ‘yun.”

Ang binabanggit ni Diether na nagpakasal at nag-asawa na siya ay ‘yung sa kanila ni Kristine Hermosa noong 2004 at napawalang bisa na naman ito pagkatapos ng dalawang taon, 2006.

Read more...