APEKTADO at talagang ikinalungkot ni Jane de Leon ang desisyon ng ABS-CBN at Star Cinema na huwag nang ituloy ang “Darna”.
Naglabas na ng official statement ang Kapamilya Network tungkol sa pagkansela sa produksyon ng bagong movie version ng “Darna” dahil na rin sa patuloy na pandemya.
“Dahil nangangailangan ng kumplikadong logistics, crowd shots, at fight scenes na may physical contact ang pelikula, mahihirapan kaming bigyan ng hustisya ang superhero film habang sumusunod sa guidelines.
“Nasa kalagitnaan pa rin tayo ng isang pandemya, at mahirap sabihin kung kailan makakabalik ang mga sinehan at mga manonood,” bahagi ng pahayag ng ABS-CBN.
Ayon naman kay Jane, “I’m deeply saddened by the postponement of the Darna project. However, safety comes first as always.
“Thank you so much for the support & understanding. Let’s pray for everyone’s safety. God Bless!” aniya pa sa caption ng ipinost niyang official statement ng ABS-CBN.
Kasabay ng official statement ay nag-post din si Jane ng larawang magkakasama sila ng production crew na kuha sa location na ang background ay kabundukan.
Tulad nga ng pahayag ng network ay inihinto na nila ang shooting ng “Darna” dahil mahirap naman itong gawin sa panahon ng pandemya na maraming dapat isaalang-alang tulad ng health protocols at iba pa.
Nanghihinayang si Jane dahil launching movie na sana niya ang “Darna” bukod pa sa napakalaki na ng hirap niya dahil ilang buwan ang ginugol nila sa training para maging physically fit base sa gagampanan niyang karakter.
Tulad ng nasulat na namin dito sa BANDERA ay nanghihinayang din ang buong production team sa hindi pagkakatuloy ng pelikula, pero sa kabilang banda ay hindi naman sila lugi dahil binayaran sila ng Star Cinema sa mga panahong hindi sila tumanggap ng ibang proyekto para ilaan lang sa “Darna.”
At sa pagkakaalam namin ay ganito rin ang nangyari kay Jane na binigyan din ng tamang bayad para sa hirap niya sa training at sa hindi rin niya pagtanggap ng shows outside ABS-CBN.