Sharon nakipag-ayos sa mga nega: Dear bashers, friends na tayo!

 

MUKHANG napagod at nagsawa na rin si Megastar Sharon Cuneta sa kapapatol sa mga bashers niya sa social media.

Kung may isang sikat na celebrity na talagang hindi nagpapasindak sa mga haters at trolls sa socmed, yan ay walang iba kundi si Shawie.

Bawat kilos, bawat salitang sinasabi niya at ipino-post sa social media ay nakikita at napapansin ng mga netizens at madalas ay binabanatan talaga siya at ninenega.

Mula sa pagpo-post niya ng kanyang mga mamahaling gamit, pati ang mga ginagawa ng asawang senador na si Kiko Pangilinan hanggang sa relasyon niya sa kanyang mga anak, ay talagang pinakikialaman ng madlang pipol.

Kahapon, isang magpakumbaba at mahinahong Sharon Cuneta ang nakipag-usap sa kanyang mga fans, supporters pati na sa mga mapanglait na bashers.

Sa kanyang latest vlog na pinamagatang “Dear Bashers”, sinabi niyang hindi na siya affected sa pang-ookray at panglalait ng mga tao sa kanya at ang nais na lamang niyang gawin ay magpasaya at magpasabog ng pagmamahal.

“Bashers, ‘hi’ and ‘bye.’ Baka naman gusto niyo mag-subscribe, subscribe na lang kayo.

“Chill na lang tayo kasi na-immune na ako sa inyo.

“Tsaka easy lang kasi may pandemiya na nga baka tumaas pa ang presyon ninyo kasi ako hindi na ako na-affect. Friends na tayo,” bahagi ng pahayag ni Mega.

Ibinahagi rin dito ng movie icon ang mga pinagdaanan niya nitong mga nakaraang buwan, ang mga pagkakamaling at sablay na desisyon nagawa niya sa buhay.

Naikuwento rin niya ang ilang plano niya para sa kanyang YouTube channel na siguradong ikatutuwa ng fans pati na ng kanyang  bashers.

Isa na nga raw diyan ang possible mini-series with her BFF Judy Ann Santos, musicale, jamming, at ilang vlogs na makapagbibigay ng inspirasyon at life lesson sa madlang pipol.

Aniya pa, “My channel will feature my authentic self and that everything we’ll upload will be for my loyal fans who truly know me and have never left me.”

Read more...