Aiko pinagalitan ni Andrei sa pag-prank kay Vice Gov. Jay: Mali ‘yang biro mo, Ma! Say sorry!

 

NAPAGALITAN si Aiko Melendez ng panganay niyang si Andrei Yllana dahil sa ginawa nitong prank sa boyfriend niyang si Zambales Vice Governor Jay Khonghun.

Na-highblood pala si VG Jay at umabot ang blood pressure nito ng 140/100.

Sa kanyang “Aikonfess” YouTube channel na may titulong “Nakaka-tense pala mag prank ng may highblood!” napanood ang ginawang prank ng aktres.

Base sa napanood namin ay tinawagan ni Aiko si VG Jay pero hindi siya sinasagot na inakala ng aktres na baka busy o kaya’y nanonood ng Koreanovela.

Hanggang sa nag-return call na si VG Jay at tinanong kung bakit siya tumawag pero sinabi na nito na nahihilo siya dahil nga mataas ang blood pressure niya.

Pero dahil nakatutok na ang camera at hindi na raw mabawi ni Aiko ay itinuloy na niya ang paggawa ng kuwento na nakunan siya ng litrato habang bumili ng alcohol at nakipagkita sa kanyang mga kaibigan hanggang sa napainom ng vodka.

Hindi nagustuhan ni VG Jay ang umano’y pagsisinungaling ni Aiko na inakalang umuwi na pero lumabas pa ulit na kung hindi pa raw nakunan ng litrato ay hindi ito magsasabi ng totoo.

At dahil ramdam na ni Aiko na mainit na ang ulo ng katipan ay nagsabi na siyang prank lang ang lahat at dito na nagalit si VG Jay at nag-dialogue ng, “Di ba sinabi ko sa ‘yo mataas ang bp ko!” sabay baba ng telepono.

Humingi naman ng dispensa si Aiko at nasabi nga niya na hindi na niya mabawi kasi naka-on na ang camera.

Ipinanood ng aktres sa anak niyang si Andrei ang naging takbo ng usapan nila ni VG Jay at sabi nga ng binata, “Mali naman ‘yang biro mo ‘Ma. Paano kung atakihin sa puso ‘yun?”

Malumanay na sagot ni Aiko, “Hindi okay na, bati na kami.”

Pero hirit ni Andrei, “Sigurado ka?”

“Oo pinagbati kami ni Mimi (Marthena),” sabi ulit nito sa anak.

“Honestly ako, nabubuwisit ako!” sabi ni Andrei

“Okay na nga kami, nagalit na, okay na,” tumawang sabi ni Aiko.

Diin ni Andrei, “Hindi talaga nabubuwisit ako mama kasi siyempre 140/100 ‘yung boyfriend mo…mama naman!”

Katwiran ng aktres, “E, kasi nga hindi ko mabawi, tanong siya nang tanong.”

“Oo nga pero mali ka pa rin. Nag-sorry ka ba sa kanya? Okay na kayo? Sigurado ka? Paano kung atakihin sa puso ‘yun? Napapraning na nga ‘yung tao, eh. Paano kung atakihin sa puso ‘yun, sinong matataranta, di ba ikaw din?” sermon pa ni Andrei sa ina.

At dahil nagte-text siguro si Aiko, hirit ng anak, “I think you have to let down your phone first, I’m talking to you!”

Ka-text pala ni Aiko ang ninong ni Andrei na si Ogie Diaz, “Ka-text ko ninong Ogie mo sabi kunan daw kita ng reaksyon.”
“Nakakabuwisit kasi mom! Ako hindi ako nagbibiro, mali ang ginawa mo? Alam mong mali ang ginawa mo? Paano kung atakihin sa puso, mahal na mahal ka nu’ng tao,” paliwanag pa ni Andrei.

Sabi agad ni Aiko sa anak, “Ang OA mo.”

“Hindi ako OA mama kasi 140/100 blood pressure ng boyfriend mo!” iritang sagot ng binata.

Sabay tanong sa kapatid, “Ikaw Mimi anong masasabi mo?” “Okay lang,” sagot ng dalagita.

“Okay na, pinanoood ko na sa ninong Ogie mo, natawa,” katwiran ni Aiko sa anak.

“Hindi nga ako natawa, eh. Kasi hindi mo iniisip ang mga ginagawa mo mama. I think you should call tito Jay and say sorry!” payo pa ni Andrei sa ina.
“Okay na nga!” sagot ni Aiko.

Naiiling si Andrei sa reaskyon ng ina na okay na kaya paulit-ulit na banggit nitong, “Paano kung maysakit sa puso? Kaya nga mataas ang BP kasi maysakit sa puso.”

“Wala okay na nga wala siyang sakit sa puso, paranoid lang wala siyang sakit,” katwiran pa ng aktres.

Hanggang sa napakamot na lang ng ulo si Andrei at sabay hampas sa kama, “Sinabihan na nga kita na bago ako umalis na hindi tama ang ganu’ng biro, eh. Bakit ganu’n? Ayaw mo pa ako pansinin while I’m talking to you? I think I deserve your time!”

Malumanay uling sabi ni Aiko, “Okay na nga kami, wag ka nang OA.”

Sabay tingin ni Andrei sa camera, “Tingin ka muna sa camera, counter prank ‘yan kasi sabi ni ninong Ogie pagalitan daw kita.”

Nabigla si Aiko sa sinabi ng anak at tanging nasabi niya, “Kaloka! Na-counter prank ako, pero ang lesson sa story na ito, ‘wag kayo basta nagpa-prank lalo na kung maysakit ang tao.
“Si VG mataas pala ang BP kanina kaya nasermonan ako ng bonggang-bongga ng anak ko pero okay na kami ng anak ko na hindi ko alam na si mother Ogie, e, tinimbrehan at magka-text lang kami kanina sabi kunan ko raw ng reaksyon si Andrei at ipanood ko ang video (pag prank kay VG).

“’Yun pala kinuntsaba niya si Andrei, nakakaloka, di ba? So, ako ‘yung na-prank! Kaya ngayon alam ko na ang pakiramdam ng na-prank.

“Kaya aamuin ko si VG na mapatawad na niya ako, mamahalin ko siya nang bonggang-bongga,” pagtatapos ni Aiko.

 

 

Read more...