House tour ni Erich bentang-benta sa netizens; ayaw ng mga abubot sa bahay

 

 

SA unang pagkakataon ay ipinakita ni Erich Gonzales ang bahay niya sa publiko na mapapanood sa kanyang YouTube channel.

Mabenta ang kanyang bagong vlog sa netizens dahil 18 hours pa lang ang nakalipas matapos niya itong i-upload ay naka 421,680 views na agad ito.

Simple lang ang bahay ni Erich pero nakaka-happy sabi nga niya dahil napapalibutan ito ng maraming puno, magagandang halaman na personal niyang inaasikaso dahil binigyan pa niya ng pangalan ang mga nasa magagandang vase.

May bakanteng lote pa siya na plano niyang taniman ng iba’t ibang herbs.

Puwedeng tawaging white house ang bahay ni Erich dahil pawang puti ang pintura nito kasama na ang mga pasong kulay puti rin.

Minimalist ang konsepto ng dalaga dahil walang masyadong laman maliban sa flat screen, home theater, iba’t ibang klaseng couch na ayon sa kanya ay customized lahat para magkasya sa living room, malapit sa powder room, at iba pa.  Maging ang dining table niya ay pasadya rin na may anim na upuan.

Sabi ni Erich, “Apat lang po kami, ako, si mama, si ate at si kuya. Pag may bisita, sa kanila ‘yun dalawang bakante.”

Ipinakita rin ng aktres ang tatlong sasakyang kulay puti sa garahe niya, 2 SUV at isang van na gamit niya pag may taping.

Kuwento ng aktres, nabili niya ang lote noong 22 years old siya, “at nag-ipon tayo, 2014 nag-start na ang construction ng bahay natin and same year also ay nakalipat na kami and long story short, 6 years old na ang bahay natin.

“Bakit ito ang napili kong patayuan ng house is because I really fell in love with the view kung makikita ninyo ‘yung view sa lanai area and the same view sa room ko and imagine that waking up everyday parang nice lang and I feel like super close to nature.

“At kung maririnig ninyo ‘yung chirping ng birds and makakakita rin kayo ng iba’t ibang kulay ng butterflies, caterpillars, tapos super daming halaman, mga puno and I think na mention ko rin sa inyo na super ganda ng sunset and sunrise, ibang klase.

“So itong house na ito product ng hardwork natin, mga brands na nagtiwala sa atin so, thank you very much po and kung napansin ninyo ang bahay talaga natin is very simple lang as in wala kang makikitang kung anu-anong abubot because ayaw natin ng clutter talaga.

“Kasi nakaka-affect siya in a way sa mind natin ang kalat, so it’s just me at ang personality ko talaga is ‘yung pagiging OC (obsessive compulsive) ko and wala tayong sariling interior designer so alam n’yo na, ako lang lahat ito everything.  Simple and clean, ‘yun lang naman ang gusto natin and safe and secure tayo dito sa ating bahay.”

Oo nga hindi pa namin napapanood nang buo ang house tour ni Erich ay nasambit na namin sa aming sarili na sobrang OC ng aktres dahil napakalinis, organisado at pati paglalagay ng mga halaman sa loob ng bahay kasama na ang powder room ay balanse na balanse, isama pa ang lagayan ng utensils at condiments.

Ang ganda ng pagkakagawa ng bahay ng aktres, ang taas ng ceiling na napapalibutan ng kurtina at may pababang chandelier sa may sala.

Isa ang bahay ni Erich sa nagustuhan namin among celebrities dahil bukod sa pagiging simple, napaka-homey.
 

 

 

 

 

 

Read more...