DALAWANG linggong magkakalayo ang Kapuso Primetime King and Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Tuloy na tuloy na kasi ang 12-day “closed group” shoot nina Dingdong para sa pagpapatuloy ng kuwento ng Kapuso series na “Descendants of the Sun”.
Dahil mahigpit pa rin ang ipinatutupad na community quarantine at health protocols dulot ng COVID-19 pandemic, kailangang lock-in din ang taping ng “DOTS”.
Mismong si Marian ang nagsabi na matagal-tagal silang hindi magkikita ng asawa dahil two weeks mananatili sa location ang cast para tapusin ang ilang bagong episodes.
“Actually mga 12 days siyang hindi uuwi ng bahay, so sabi ko nga, ‘ganoon talaga, trabaho ’yan. Ang mahalaga ay maging safe ka doon ’tsaka ’yung mga kasama mo sa trabaho,’” ani Marian sa panayam ng GMA.
Naiintindihan naman daw ng Kapuso actress ang desisyon ng asawa na magbalik na sa taping ng “DOTS” kahit may banta pa rin ng COVID-19.
“Wala eh, ganoon talaga, so konting tiis lang. Ang mahalaga makauwi siyang ligtas sa amin, makauwi siyang safe sa amin,” aniya pa.
Sinabi naman ni Dingdong na pinaghahandaang mabuti ng kanilang team ang magiging proseso sa pagbabalik-taping para maging ligtas ang pagtatrabaho nilang lahat bilang pagsunod sa health protocols.
“Kailangan ‘yung preparedness namin kung dati level 100 percent, dapat 1,000 siguro ngayon kasi we’re not after time but also our safety and the safety of others as well,” ani Dong.
Maging si Rocco ay excited na ring magtrabaho uli, “Ganado kaming magtrabaho ulit. Ramdam namin ‘yung excitement at saya kasi nga naramdaman namin na may balik ‘yung pinaghirapan namin.”