NARANASAN din ni Pia Wurtzbach ang sobrang hirap ng buhay noong kabataan niya na ginamit niyang motivation para magsumikap sa buhay.
Baha sa loob ng bahay, walang baon sa eskwela, walang pamasahe at kung anu-ano pang pagsubok ang na-experience ni Pia noong lumalaki siya.
Naikuwento ito ng dalaga sa online fundraiser ng Kabataan sa Kartilya ng Katipunan (KKK) kung saan ibinahagi rin niya ang ginawang pagpupursige para magkaroon ng magandang buhay.
Ayon kay Miss Universe 2015, “Talagang napaka-humble ng living situation namin dati, kung alam niyo lang. Talagang ibang-iba.
“Tapos ang dami kong natutunan noong mga panahon na iyon. Sa maliit na school lang din ako nag-aral noon sa Pasig, tapos halos wala akong baon sa school.
“Minsan, nagdadala lang ako ng baon, hindi ako mabigyan ng pera ng Mama ko. Tapos binabaha din ‘yung bahay namin, minsan hanggang dibdib, ganyan,” kuwento ni Pia.
Patuloy pa niya, “Noong kabataan ko, talagang palipat-lipat kami ng bahay kasi hindi namin ma-afford ‘yung rent.
“So pamura nang pamura ‘yung mga nililipatan namin tapos pataas nang pataas din ‘yung tubig (baha),” aniya pa.
At dahil nga sa kanilang sitwasyon, talagang nagsumikap siya sa buhay, pinagbuti ang kanyang pag-aaral hanggang sa makapasok sa showbiz and the rest as they say — is history.
“Bigla ko nang sineryoso kaagad ‘yung buhay ko at ‘yung mga bagay, at hindi ko na tineyk for granted lalong-lalo na ‘yung pag-aaral ko noong naghiwalay ‘yung mga magulang ko.
“Lalo na noong ako na ‘yung nagbabayad ng sarili kong tuition, natuto akong maging independent,” aniya pa.
Payo naman niya sa mga kabataan, huwag isusuko ang mga pangarap, tapusin ang pag-aaral hangga’t kaya at laban lang nang laban sa buhay.
“Kung anong sitwasyon ka man ngayon at nafi-feel mo na ang dami mong responsibilidad at feeling mo stuck ka sa isang lugar na hindi mo gusto, o ayaw mo kung saan ka nag-aaral, huwag mong i-hate ‘yan kasi part ‘yan ng process mo. Part ‘yan ng growth mo.
“At kung pagbubutihan mo, mag-aaral ka nang mabuti at magiging masipag ka at kung ‘di ka bibitaw sa mga pangarap mo, mararating mo rin ‘yung mga gusto mong marating,” pahayag pa ni Pia.