Full trailer ng BL series na ‘My Extraordinary,’ ngayong gabi na

NGAYONG gabi na, 7 p.m., ang full trailer ng bagong BL o boy’s love series na “My Extraordinary” na mapapanood sa Asterisk Digital TV Channel on YouTube.

Magsisimula naman ito sa TV5, sa Agosto 30, 10 p.m. pagkatapos ng “Usapang Real Life with Luchi Cruz-Valdez” na ngayong gabi na ang simula kasama si KC Concepcion bilang guest.

Ang “My Extra Ordinary” BL series ay pinangungunahan nina Enzo Santiago (Ken) at Darwin Yu (Shake), at makakasama rin nila sina Sam Cafranca (Mike), Z Mejia (Lawrence), Karissa Toliongco (Sandee) at Jojit Lorenzo (Mr. Macaspac).  Mula ito sa direksyon ni Jojo Atienza at sa panulat ni Vincent de Jesus.

Base sa kuwento ng producer at manager ng Asterisk Digital Entertainment na si Kristian Kabigting, dumaan lahat sa audition ang mga bagets at kasama niya si Vincent sa nag-aprub.

Ayaw pa banggitin sa amin ni direk Jojo kung may kissing scenes sina Darwin at Enzo basta’t abangan na lang daw.  Ito rin ang dahilan kung bakit sila napunta sa late timeslot sa TV5 at marahil ay mabibigyan pa ito ng rating na SPG ng MTRCB.

Sabi naman ng taga-production, “nadala na po sa MTRCB. Waiting na lang po kami sa rating.”

Lahat ng baguhang artista ay nag-workshop at ilan sa kanila ay sa ilalim ng Star Magic, tulad nina Z at Karissa.

Kaya natanong namin kung anong naramdaman nina Z at Karissa nang magsara ang ABS-CBN. Eto ang kanyang pahayag, “Sobrang nalungkot po kasi doon po kami nagsimula at malaking bagay po ang nagawa sa amin ng workshop dahil heto nagagamit namin sa una naming project.”

Dagdag pa, “Pero positive po kami na makakabalik ang ABS-CBN sa ere in time at muli namin siyang matutuntungan.”

Nabanggit pa ng Asterisk Digital Management producer na bukod sa TV5 ay mapapanood rin ang BL series nila sa YouTube channel na mas maiksi nga lang daw kumpara sa mapapanood sa telebisyon.

Noong 2019 pa raw nagsumite ng ng konsepto ang ADM sa TV5 at aprub daw kaagad kaya sila nagkaroon ng puwesto sa Kapatid network bilang blocktimer.

Kung hindi nga lang daw BL ito malamang mas mapapanood ito sa mas maagang timeslot.

Read more...