Jodi madaling nakapag-adjust sa new normal taping: 12 oras lang na trabaho pero dire-diretso
SA mahigit tatlong linggong lock-in taping ni Jodi Sta. Maria para sa seryeng “Ang Sa Iyo ay Akin” handog ng JRB Creative Production ay inamin nitong sobrang na-miss niya ang anak na si Thirdy Lacson.
Nakasama rin niya sa location sina Ms. Maricel Soriano, Sam Milby at Iza Calzado na umaming nakaramdam din sila ng takot sa pagbabalik nila sa trabaho.
Tinanong namin si Jodi sa nakaraang virtual presscon ng bago niyang serye kung sino ang kasama ng anak sa bahay nila sa panahong wala siya.
‘’Alam naman ng lahat na I share custody sa dad niya (Pampi Lacson),” tipid na sagot ng aktres na halatang ayaw pag-usapan ang tungkol sa set-up nila ng kanyang ex-husband.
Tinanong din namin kung paano siya nag-adjust sa new normal taping nila ngayon na walang uwian.
‘’Halos three weeks kaming naka-lock in sa isang hotel sa Quezon City, napakalaking adjustment talaga unang-una sa working schedule palang we only worked for 12 hours pero tulad nga ng sabi ng nanay (Maricel) ko kanina na kahit maikli lang ‘yung working hours, wa na tsika roon dire-diretso ang trabaho.
‘’Isa pang adjustment siyempre normal sa atin sa industriya yung bebeso, yayakap pag nagkikita-kita wala na kaming ganu’n ngayon, wave-wave na lang o kaya flying kiss, pag nagkukuwentuhan.
“Magkakalayo talaga, pag sa eksena, limited lang ang pupuwede na mga tao sa isang scene. ‘Yun ang ilan sa mga adjustment na kailangan naming harapin nu’ng sumabak kami sa new normal.
“Pero ang nakatutuwa naman kasi ginawa naman talaga ang mga guidelines para sa proteksyon ng lahat at nakita rin kung gaano kadali at mag-adopt sa new normal at ‘yung resiliency sa bagong normal na kinakaharap namin,’’ kuwento ni Jodi.
Sina Direk FM Reyes at Avel Sunpongco ang direktor ng “Ang Sa Iyo Ay Akin” na mapapanood na sa Agosto 17 sa Kapamilya Online Live, Youtube at iba pang Kapamilya channels.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.