ANIM na taon nang magkarelasyon sina Carla Abellana at Tom Rodriguez at mukhang sa kasalan na rin mauuwi ang kanilang love story.
Going strong pa rin ang kanilang relationship at mas pinatatag pa nga ito ng lockdown dahil magkasama sila sa bahay nang ipatupad ang ECQ sa bansa.
Pero inamin ni Carla na hindi “love at first sight” ang nangyari sa kanila ni Tom. Nagsimula muna silang maging friends bago sila nagkainlaban.
Sa online talk show na “Just In,” sinabi ni Carla na naging close sila nang magkasama sila sa hit Kapuso series na “My Husband’s Lover” kasama si Dennis Trillo.
Mag-asawa ang naging role nina Carla at Tom sa serye pero wala pa raw silang napi-feel ni Tom na “something” para sa isa’t isa.
“Doon kami unang nagkakilala ni Tom, doon kami nagkatrabaho sa ‘My Husband’s Lover.’
“But it wasn’t until maybe a year after noong sa ‘My Destiny’ (isa pang Kapuso series na pinagsamahan nila) na naging mas close kami. Tapos nagkaroon pa kami ng movie together,” chika ng Kapuso actress.
“Hindi siya ‘yung parang love at first sight. Hindi ‘yung in love kaagad.
“Imagine, it took maybe at least a year pa. After more projects together, ‘yun nga sa ‘My Destiny’ tapos nagkaroon kaming movie together so doon kami mas naging close,” lahad pa ng dyowa ni Tom.
Muli silang pinagtambal ng GMA sa seryent “Love of My Life” na natigil din pansamantala sa pag-ere dahil sa COVID-19 pandemic.
Kamakailan, sinabi ni Tom na handa siyang pakasalan ang longtime girlfriend sa gitna ng COVID-19 pandemic, “Ako, okay lang. Kaso nu’ng tinanong ko siya, definitely no.”
Pero naiintindihan naman daw ni Tom na gusto ni Carla na maging special ang wedding day nila pero hindi na niya idinetalye kung ano ang dream wedding ng aktres.
“Ako, my only dream is to be the one next to her. That’s my only requirement. Siyempre, I want it to be special for her,” sey pa ng Kapuso hunk.