Girls Wanna Have Fun: Chikahan ng 5 direktora

Cathy Molina, Sigrid Andrea Bernardo, Antoinette Jadaone, Mae Cruz-Alviar at Irene Villamor

KARUGTONG ito ng naisulat naming online tsikahan ng limang direktorang sina Cathy Garcia Molina, Mae Cruz-Alviar, Irene Villamor, Sigrid Andrea Bernardo at Antoinette Jadaone na may titulong “Girls Wanna Have Fun – Paha-Bowl” na mapapanood sa Nickl Entertainment YouTube channel.

Sa limang direktora ay iisa lang sa ang gustong maging artista, si direk Sigrid na aminadong ginawa niya ang lahat para sumikat siya. Pero walang nangyari kaya nang mapunta siya sa filmmaking ay ipinangako niya sa sarili na gagalingan niya para makilala na nangyari naman.

Natanong ang lima kung paano nila bibigyan ng score ang panlabas na anyo.

“How will you rate your looks from 1-10? 10 being the highest?”

‘’Alam mo si Uge (Eugene Domingo) kasi taga-Theater yan Dulaang UP, so pareho kaming Dulaang UP na ang tinuro sa amin na sa theater talaga is very cruel.

“So, pagdating ko sa theater talaga binagsak ‘yung self-esteem namin na pag pangit ka, wala kang role. So panget ako kaya 2 (points) lang ako, nu’ng college ako 2!

“Grabe na ang self-confidence ko na noon, ang ganda ko na no’n. So, ganu’n sa theater at nagulat ako after ng college at nagtrabaho na ako, sabi ‘uy maganda pala ako ha, ha, ha.

“Gusto kong i-rate ang sarili ko ng 10 pero hindi kaya feeling ko 5 ako at hindi maganda as in lagi akong insecure. Hindi ko alam kung bakit. Siguro trauma rin nu’ng college kasi iniisip mong hindi ka maganda. So after no’n nawala ‘yung self-confidence ko sa physical,’’ kuwento ni direk Sigrid.

Five points naman ang ibinigay ni direk Irene sa sarili, ‘’Ako 5. Kaya ayaw kong magpa-picture, hate na hate ko ang pictorial. Hindi rin ako nagse-selfie. So ‘yun lang wala akong salamin so hindi ko alam. Ha, ha.

Hirit ni direk Cathy, ‘’Seryoso ka, hindi ka nagsasalamin?’’

‘’Opo, sa umaga lang pag nagtu-toothbrush, (may salamin sa banyo). Pero the whole day wala na. Kaya kahit sa set pag nagdi-direk ako, ang gulu-gulo ng buhok ko. So ganu’n, wala akong care,” paliwanag ni direk Irene.

Biniro naman ni direk Cathy si direk Tonette kung ilang points ang ibibigay sa kanya ng boyfriend niyang direktor din na si Dan Villegas, ‘”Tanungin ba natin si Dan?”

“Ha, ha, ha! Or else hindi ako maghuhugas ng pinggan. Charot!” tumawang sabi ni direk Tonette. “Siguro nu’ng bagets pa ako, mga 4 or 5. E, ngayon siguro mga 8, e, wala na akong magagawa, kaya tanggapin na lang di ba?

“Pero nu’ng bata ako sobrang insecure ko kasi maliit ako tapos pangit skin ko. Kaya kailangan kong galingan!

“Ganu’n pag hindi masyadong maganda kailangan galingan. Dapat witty ka, dapat nakakatawa ka. Kasi pag maganda ka kahit hindi ka masyadong magaling, maganda ka pa rin (sa paningin ng iba). Pero pag matanda ka na, mare-realize mo, kebs (keber) lang naman.’’

At nang si direk Mae na ang sasagot ay sabay-sabay ang apat na direktora sa pagbibigay sa kanya ng perfect score, 10 points!

“Naku, 10 si direk Mae. Artistahin kasi si direk Mae,” anila.

Natatawa naman si direk Mae, ‘’Ako, 8. Uy totoo na insecure ka talaga kahit sinong babae insecure about the looks. I’m sure meron ding hindi. Pero ibig kong sabihin kahit pinakamaganda, parang laging may problema sa sarili na nakikita.

“They never feel that they’re perfect. In fact, the prettier the more insecure.

“Tama rin ‘yung sinabi ni Tonette as you get older kebs. Eto na ‘yun, wala na tayong magagawa d’yan. Nakahanap naman ako ng asawang tanggap ako, okay na ako.’’

Kakaiba naman ang paniniwala ni direk Cathy dahil kabaligtaran lahat ang sinabi ng apat sa naranasan niya.

Aniya, “Buti pa kayo ganyan, ako baligtad. When I was younger parang kaya kong sabihin ang magagandang bagay sa sarili ko.

“But as I grow older and I get fatter and I get all of these saggy skin at all tapos nakikita ko ang sarili ko sa salamin, heto bumabagsak na siya (muwestra sa pisngi), ngayon ako sobrang insecure. Hindi ko pa siya natatanggap na (may edad na). Buti na lang dyowa ko tanggap.’’

Hirit ni direk Mae, ‘”Baka naman midlife crisis lang ‘yan.”

‘’Possible, I’m getting there. Well, I’m turning 49 this year, November, malapit-lapit na. Kaya girls, bantayan nyo ‘to, pipili ka, eh.

“Mukha kang bata pero mataba ka, or fit ka, sexy ka pero mukha kang matanda? You can’t have both. Ako pala 6 (points).”

Read more...