BIG day para sa TV5 ang petsang Aug. 15 dahil ito na ang pinakahihintay na araw para sa paglulunsad ng bagong programming ng network.
Ilan sa mga naka-line up na programa ng Kapatid Network ay ang game shows nina Pokwang, Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros. At siyempre ang pagbabalik ng bagong “Talentadong Pinoy” ni Ryan Agoncillo.
Ibinandera ng mga executives ng TV5 ang good news sa ginanap na online presscon kamakalawa sa pangunguna nina Robert Galang (TV5 President and CEO, head of Cignal TV) at Direk Perci Intalan, ang head of TV5 programming.
“Our commitment is to celebrate the lives of today’s Filipinos by providing informative as well as inspiring and uplifting entertainment content.
“And hopefully, in so doing, we are able to make lives, a little better, a little safer, and a little easier in these changing times,” ani Galang.
Dito rin niya in-announce ang partnership ng TV5 at Cignal TV, ang top pay TV provider sa bansa, na siyang magiging major block timer ng Kapatid network. Kaya siguradong mas magiging exciting ang free TV experience n’yo.
Ayon naman kay Direk Perci, hindi pa talaga kumpleto ang line-up ng entertainment programming ng TV5 pero siguradong bongga na ang unang batch ng shows na bubuksan simula next week.
Una na nga riyan ang pasabog na back-to-back game shows na “Fill in the Bank” nina Pokwang at Jose Manalo (6 p.m.) at “Bawal na Game Show” (7 p.m.) nina Bebe Ghorl (Wally Bayola) at Barby Ghorl (Paolo Ballesteros).
Ito’y mula sa APT Entertainment ni Mr. Tony Tuviera para sa Cignal TV.
At pagsapit naman ng 8 p.m., iba’t ibang kuwento at talento ng mga Pinoy ang babandera at rarampa sa show ni Ryan Agoncillo na “Bangon Talentadong Pinoy”.
“Sa house lang lahat! Total social distancing. ‘Yung natutunan namin sa Gameboys (shoot at home), in-apply namin dito sa ‘Bangon Talentadong Pinoy’. Si Ryan at judges sa house lang rin.
“Bago na ang mundo kaya bago na rin ang atake ng mga Pinoy. At yun ang ipinapakita namin sa Bangon Talentadong Pinoy. Once ipinakita ka sa show, automatic 2K. Then pag pasok ka sa Top 4 may 10K bawat isa. Then ‘yung isang winner for the week ay may 50K,” ani Direk Perci sa panayam ng BANDERA.
Magsisilbing talent scouts sa pilot episode ng “BTP” sina John Arcilla, Janice de Belen at Joross Gamboa.
Tuwing Sunday naman, 7 a.m. Aug. 16, makakasama ang bagong fitness bestie na si Jessy Mendiola sa fitness-centric show na “Fit for Life.”
Abangan din ang APT-produced morning talkshow na “Chika, BESH! (Basta Everyday Super Happy)” with Pokwang, Pauleen Luna and Ria Atayde.
May mga pasabog din ang award-winning broadcast journalist na si Luchi Cruz-Valdes sa kanyang “Usapang Real Life.”
Samantala, walang katotohanan ang tsismis na napopolitika ang talk show ni Kris Aquino sa TV5 na “Love Life With Kris,” kaya hindi ito matuluy-tuloy.
Ayon sa mga bossing ng network, welcome na welcome si Kris sa TV5. May mga inaayos lang daw talaga ang kampo ng TV host-actress sa nasabing proyekto.