Willie magbibigay ng P5-M sa mga jeepney driver; P400K sa pamilya ng 4 nasawing Pinoy sa Lebanon

NAG-PROMISE si Willie Revillame na magdo-donate ng P5 million sa mga jeepney driver na muling nawalan ng trabaho matapos ibalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila at mga kalapit-probinsya.

Makakatanggap din ng ayuda ang pamilya ng apat na OFWs na nasawi namatay sa naganap na pagsabog sa Beirut, Lebanon.

Umapir si Willie daily press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque kanina sa paanyaya na rin ng opisyal.

Sa Wil Tower Studios ni Willie kung saan ginagawa ang “Wowowin” pansamantalang isinasagawa nang press briefing ni Roque dahil sumailalim sa disinfection ang opisina nito sa New Executive Building sa Malacañang.

“Nakakadugo ng puso kapag nakikita mo yung mga namamalimos na mga jeepney drivers, du’n na nakatira. Yung mga OFWs natin. Ako ay isang mamamayan na pinagpala, na nabanggit ko sa ‘yo dati na gusto kong tumulong.

“Sa sarili kong pinag-ipunan, dahil naman po ako ay may trabaho ngayon at siyempre ay napakahirap, gusto kong tumulong una dun sa mga jeepney drivers, ‘no.

“Sa tingin ko, ito ang unang kinakailangan. Nakita ko yung sa Maynila, hirap na hirap. Nakita ko yung sa Quezon City.

“I am willing to give, sa akin pong naipon. Hindi naman ito pagmamayabang ‘no. Ito lang ang puwede kong maitulong sa gobyerno kasi hindi naman ako puwedeng lumapit kay Mr. President, sa mahal na Pangulo na, ‘To, ibibigay ko.’ Hindi maganda tingnan.

“Siguro sa inyo na lang, ang balak ko ho ay magbigay ng P5 million ngayon sa araw na ito, at ibibigay sa mga jeepney drivers na talagang namamalimos na. Meron akong tseke dito, para alam ng tao, hinanda ko to P5 million para sa mga jeepney drivers.

“And then, five million ngayon. Next time, magbibigay ho ulit ako ng five million para dun ho sa mga taong talagang nangangailangan. Kung kakayanin kong monthly ‘to, sasabihin ko kay Secretary Harry Roque,” ani Willie.

Bukod dito, bibigyan din ng TV host ng tigwa-P100,000 ang bawat pamilya ng mga nasawing Pinoy sa pagsabog sa Lebanon.

“Sa ating mga kababayan, nabasa ko yung nangyari sa Beirut. Ito para pagtutulong, ito lubus-lubusin ko na. Yung apat na pamilya pong naulila, I’m willing to give 100,000 each.

“Sa mga kababayan natin, nagdudugo ang puso ko sa ating mga kababayan. I’m so blessed, napakabait ng Panginoong Diyos sa akin.

“Ako po’y may programa na nagbibigay din ng tulong, basta hanggang kaya kong tumulong, kasama ko naman ang GMA-7 diyan. Ang gagawin ko, yung apat pong pamilyang naulila, konontakin namin kayo,” pangako ni Kuya Wil.

Mensahe pa ni Willie, “Mga kababayan, kaya natin yan, kaya natin yan.”

Read more...