Jodi na-intimidate sa bida-kontrabida role sa Ang Sa Iyo Ay Akin: Paano ko ba ‘to gagawin?

 

NGAYON pa lang ay hot topic na ang bagong serye nina Jodi Sta. Maria  Iza Calzado, Sam Milby at Maricel Soriano, “Ang Sa Iyo Ay Akin.”

Trailer pa lang nito ay pinag-uusapan na ng mga manonood at netizens, lalo na ang pagiging bida-kontrabida ni Jodi at ang mga pasabog na eksena nila ni Iza.

Alam ni Jodi na isang matinding challenge na naman ang haharapin niya nang tanggapin ang nasabing project sa direksyon ni FM Reyes.

“Noong time na in-offer ‘yung role sa akin, hindi ko talaga alam kung paano siya gagawin. Na-intimidate ako doon sa role, doon sa hinihingi. Paano ko ba ‘to gagawin? Paano ko ‘to iibahin?” ani Jodi sa isang panayam.

Hindi naging madali para sa kanya ang paghahanda sa kanyang role sa “Ang Sa Iyo Ay Akin” bilang si Marissa na gagawin ang lahat makapaghiganti lang sa best friend niyang si Ellice (Iza).

Paano siya nakaka-relate sa karakter niya sa serye, “Lahat naman tayo, meron tayong mga desires, ambitions. In that sense, I guess, pareho kami ng character ko.

“But sa kaniya kasi, she went to great lengths para makuha niya ‘yun, e, to the point na merong nasagasaan at nasaktan siya. She’s still very human. For her, justified ‘yung actions niya,” aniya pa.

“Ang motivation ni Marissa sa paghihiganti niya ay maibalik kung anuman ‘yung nawala sa kanila. For her, silang dalawa lang ng mom niya. Importante sa kaniya ‘yung mabigyan ng maayos na buhay ‘yung nanay niya. In a way, we are the same sa aspeto na ‘yun,” lahad pa ni Jodi.

“It’s a story about family, it’s about friendship. It’s a story about forgiveness and revenge. Ang daming nangyayari sa story, and I believe most of our viewers will be able to relate to one of the characters,” kuwento pa ng aktres.

Sabi nga sa trailer at teaser: “Agawan ng yaman, angkinan ng karapatan. Sa likod ng pakikipagkaibigan kay Ellice (Iza) ay ang namumuong inggit ni Marissa (Jodi) sa kaginhawaan ng buhay nito.

Nang pagtangkaan si Ellice ng anak ng isang congressman, aksidente niya itong napatay. Palihim na babayaran ng kanyang ama si Marissa upang akuin ang kasalanan at sa kabila ng pangakong hindi ito makukulong, ay nauuwi pa rin sa piitan si Marissa.

Walang kaalam-alam sa nangyari, nag-aral si Ellice sa US at nakilala ang lalaking mamahalin, si Gabriel (Sam).

Sa kanyang pagbabalik, isang bagong Marissa ang makikilala niya – at handing kunin ang lahat ng sa tingin niya’y kapalit ng paghihirap niya.”

Magsisimula na ang “Ang Sa ‘Yo Ay Akin” sa Aug. 17 sa Kapamilya Channel at sa iba pang online/digital platforms ng ABS-CBN.

Read more...