Donita Nose gumagaling na, nakiusap sa publiko: Wag n’yong pandirihan ang may mga COVID

 

BUMUBUTI na ngayon ang kundisyon ng komedyanteng si Donita Nose matapos ang ilang araw na pagkaka-confine sa ospital dulot ng COVID-19.

Ibinahagi ng Kapuso TV host-comedian sa publiko ang update tungkol sa kanyang kalusugan matapos magpositibo sa coronavirus sa pamamagitan ng Facebook Live.

Dito, inalala ni Donita ang mga nangyari nang maramdaman na niya ang pagbabago sa kanyang katawan. Aniya, hindi siya agad nagpadala sa ospital nang biglang sumama ang kanyang pakiramdam.

Nag-self quarantine muna siya sa bahay nang ilang araw ngunit napilitan na siyang magpa-admit nang mahirapan na siyang huminga.

At dito na nga niya personal na nasaksihan ang nakakaawa at matinding hamong pinagdaraanan ng mga COVID patients sa ospital, lalo na sa mga tulad niya na hindi  agad nabigyan ng private room dahil punumpuno na ang ospital.

“Wala talagang mapaglagyan. Diyos ko po. Wala talaga, wala talagang room na available sa sobrang dami nang pasiyente.

“‘Yun din ‘yung minsan struggle ‘pag nasa hospital ka na. Saan ka pupwesto? Maayos ba ‘yung magiging ano mo. Alam mo ‘yun,” lahad ni Donita.

Sa ngayon daw, bumubuti na ang kanyang pakiramdam, “Sobrang malakas na ‘yung pakiramdam ko, hindi na ako nanghihina. Hindi na ako nahihirapang huminga.

“Buti nga hindi ako dumating sa point na kailangan ko na mag-life support, na magtubo. Awa ng Diyos talaga naagapan ko siya,” aniya pa.

Samantala, nakiusap din ang co-host ni Willie Revillame sa publiko na huwag namang pandirihan o i-discriminate ang mga kakilala o kapitbahay nilang nagka-COVID-19.

“Pwede tayong umiwas sa tamang paraan pero ‘wag nating iparamdam sa kanila na nandidiri tayo, ha.

“Kasi mahirap guys, mahirap talaga magka-COVID[-19] sa totoo lang. Hindi siya ganun kadali, hindi siya ganun kasimpleng sakit.

“Ang kailangan lang po talaga natin is tayo-tayo mismo lahat magtulungan, lalo na sa magkakapit-bahay.

“Ngayon, kung meron kayong kapit-bahay na merong COVID[-19], e, di ipag-pray niyo, ‘di ba? Huwag niyo na ipakita na parang nandidiri kayo. Alam niyo ‘yun.

“This is not the right way para iparamdam sa kanila na tumutulong pa kayo. Instead, binababa niyo pa sila, lalo niyo pang dine-deprive, sinasaktan niyo pa ang feelings nila imbis na gumaling sila,” ang pakiusap ng komedyante.

Muli, pinayuhan ni Donita ang lahat na iwasan munang magda-diet nang bonggang-bongga habang may pandemya, dapat daw ay mas patatagin pa ang ating immune system.

“Better na ‘wag muna kayo mag-diet ngayon, kumain kayo. ‘Yan ang ginawa ko. Nagdiet ako nang nag-diet. Kung gusto niyo, kumain kayo nang marami, kumain kayo nang tama.

“‘Yung mga ayaw tumaba, ‘tapos mag-exercise pa rin kayo. Pero kumain kayo. ‘Wag na ‘wag kayong mag-diet sa panahon na ‘to, please,” pahayag pa ni Donita.

Read more...