Actuarial life ng PhilHealth 1 taon na lang–opisyal

PhilHealth to collapse by 2022 if pandemic persists, warns exec

Nanganganib na mabangkarote ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) kung magpapatuloy pa sa susunod na taon ang pananalasa ng pandemya.

“By next year po, wala na po tayong reserve funds. So one year lang po ang ating actuarial life,” ito ang inamin ni Nerissa Santiago, Senior Vice President for Data Protection Office ng PhilHealth, sa pagdinig ng Senado ngayong Martes kaugnay sa umano’y malawawang katiwalian sa ahenysa.

Ayon kay Santiago, posibleng hindi na sila makapagbigay ng benepisyo sa mga miyembro PhilHealth sa 2022 kung hindi pa rin mapipigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa pagtatanong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, sinabi ni Santiago na sa kanilang pagtaya, sa pagtatapos ng taon ay aabot na sa P90 bilyon ang pagkalugi ng ahensya, at aabot ng P147 bilyon sa pagtatapos ng 2021.

Iginiit ni Santiago na kung hindi sila mabibigyan ng karagdagang subsidiya ng gobyerno ay posibleng hindi na kayanin pa ng PhilHealth ang pagkakaloob ng mga benepisyo.

Sa naturang pagdinig ay dinikdik din ng mga senador ang mga opisyal ng PhilHealth kaugnay sa sinasabing anomalya sa kanilang tanggapan.

Kinuwestoyon ni Senador Panfilo Lacson ang umano’y maanomalyang pagpapalabas ng advance na pondo para sa ilang medical facilities, kabilang ang dialysis centers at mga maternity package sa ilalim ng Internal Reimbursement Mechanism na para sana sa COVID19 treatment.

Ilan sa tinukoy ni Lacson ang pagpapalabas ng kabuuang P45.176 milyon sa B. Braun Avitum Philippines Free Standing Dialysis Center, gayundin ang P226.38 milyong maternity package.

Nilinaw naman ng mga opisyal ng Philhealth na binigyan ng pondo kahit ang mga non-COVID19 patients dahil nakasaad sa kanilang programa na lahat ng ospital na may pending claim ay dapat mabigyan.

Ibinunyag din ni Senador Francis Tolentino na nakatanggap sila ng impormasyon na ilang pagamutan, partikular sa lalawigan ng Cebu, ang idinedeklarang may COVID-19 ang kanilang pasyente kahit wala para lamang makasingil sa PhilHealth.

Kinuwestyon din ni Lacson ang mga opisyal ng PhilHealth sa pagbili ng umano’y overpriced na network switch layer.

Sa datos na iprinisinta ni Lacson, noong 2019 ay bumili ang PhilHealth ng switches sa halagang P4.81 milyon gayong ang market price nito ay P939,360 lamang o overpriced ng P3.87 milyon.

Subalit kahit nakaimbak pa sa bodega ang mga equipment na ito ay muli umanong binalak ng ahensiya na bumili ng karagdagang switch.

Naging mainit din ang pagtatanong ni Tolentino hinggil naman sa mga opisyal ng PhilHealth na una nang pinagbibitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inamin ni PhilHealth President and CEO Ricardo Morales na hindi niya ipinatupad ang mga resolusyon kaugnay sa pagpapa-resign sa mga opisyal ng ahensiya dahil posible aniyang maparalisa ang kanilang operasyon.

Ipinaalala ni Tolentino na pinagbibitiw ang ilang opisyal ng PhilHealth dahil sa isyu ng katiwalian subalit sa halip na ipatupad ang kautusan ay nabigyan pa ng promosyon ang mga ito.

Itinanggi naman ito ni Morales at iginiit na wala rin namang naihaing kaso laban sa mga opisyal ng PhilHealth kaya nanatili ang mga ito sa kanilang pwesto.

Read more...