Maymay napasabak sa ‘new normal’ ng taping: Sobrang hirap pala!

 

 

DAHIL sa “new normal” ng buhay ngayon sa gitna ng COVID-19 pandemic, maraming natututunang bago ang mga artistang nagbalik na sa trabaho.

 

Tulad na lamang ng Kapamilya young actress na si Maymay Entrata na bukod sa pag-arte ay nasubukan ding maging direktor, cameraman at lightsman.

 

Isa ang dalaga sa cast members ng bagong digital project ng Star Cinema na “The Four Bad Boys and Me” (mula sa Wattpad series) kung saan siya ang magiging narrator ng kuwento.

 

Ayon kay Maymay, siguradong magugustuhan ito ng mga mahilig at adik sa mga Korean drama.

 

“Sobrang na-excite ako noong unang sinabi sa akin na ako ang narrator. K-drama fan ako, sobrang tumatatak sa akin ang K-drama feels habang binabasa ko yung script,” ang pahayag ng dalaga sa panayam ng ABS-CBN.

 

Bukod sa pagiging narrator, gaganap din siya rito bilang video jockey. Ani Maymay, maraming challenges ang hinarap niya sa project na ito na talagang sumubok sa talent niya as an artist.

 

“Sobrang challenging, parang hindi ko ma-imagine na ‘o ikaw ang cameraman, ikaw ang mag-aayos ng ilaw, ikaw mag-aayos ng shot, tapos mag-memorize.’

 

“Sabi ko, ‘Okay po.’ Pero kapag nandoon ka na, hindi mo alam kung ano ang uunahin mo, audio ba, rolling, tapos ikaw ba ang clapper, ikaw pa ang magsasabi ng sequence, pero kasi ang gaan ng mga kasama ko, si direk at lahat ng mga kasama ko.

 

“Sila ang nagsasabi na kaya mo ‘yan. Kaya napabilis ang shoot namin,” ani Maymay.

 

Dahil dito, mas humanga at mas tumaas pa ang respeto niya aa lahat ng mga taong nasa likod ng camera.

 

“Challenging siya at the same time kapag natapos mo ‘yung shoot ay sobrang worth it kasi mas naa-appreciate mo ang cameraman, naa-appreciate mo ang nag-aayos ng ilaw, nag-e-edit ng videos, sobrang hirap pala.

 

“Hindi biro ang pasensiya na ibinibigay nila sa artista kaya blessed din ako na na-experience ko ang experience na ito kasi mas lalo ko silang na-appreciate dahil doon,” chika pa ng PBB Lucky Season 7 Big Winner.

 

Mapapanood na ang “The Four Bad Boys and Me” sa Aug. 27 sa YouTube channel at Facebook page ng Star Cinema.

Read more...