Pagbabalik ng ‘DOTS PH’ nina Dingdong at Jennylyn napurnada; GMA talents paubos na ang ipon

MUKHANG mauudlot na naman ang excitement ng mga sumusubaybay sa teleseryeng “Descendants of the Sun” nina Dingdong Dantes at Jennylyn Mercado.

Ang balita kasi namin, hindi na raw matutuloy ang balik-taping ng production ngayong Setyembre base sa tsika ng isang taga-GMA 7.

“Wala po sa line-up ang DOTS, mauuna pa nga ‘yung Waray vs Biday nina Barbie Forteza at Kate Valdez,” say ng aming kausap.

Ang magre-resume na raw ng taping ay ang “Prima Donnas” nina Aiko Melendez, Wendell Ramos, Chanda Romero, Benjie Paras kasama ang mga bagets na sina Jillian Ward, Althea Abian at Sofia Pablo mula sa direksyon ni Gina Alajar.

Kuwento sa amin, “Dapat August pa resume na itong Prima Donnas, e, hindi pa tapos ang script, ang gusto nila (management) parang more than one month na episodes kukuhanan nila para di magastos, mas safe at di makain sa oras.

“Kaya meeting pa nang meeting. Parang pag nagmi-meeting ang GMA Drama ‘yan ang sinasabing problem.

“Di pa tapos ang script at paano ima-mount ‘yung scene since lockdown at konti tao sa set. Saka inaayos pa sa DOLE ‘yung minor cast ng Prima Donnas,” sabi sa amin.

Hindi rin daw puwedeng sabay-sabay mag-taping ang mga teleserye ng GMA 7 dahil kailangan muna nilang siguruhin ang kaligtasan ng lahat ng makakasama sa taping at location.

“Isa-isa lang kasi ibabalik ang mga shows. Hindi puwedeng magsabay-sabay mag-taping. Mandated by management. Prima Donnas sa September na anh balik,” tsika pa ng taga-Siyete.

Nasabi rin na habang wala pang taping sa GMA ay kanya-kanyang raket sa labas ang mga taga-production dahil wala rin naman silang regular na trabaho.

May ilang artista rin na taga-GMA ang nagkuwentong paubos na ang savings nila kaya kailangan na ring bumalik sa work.

Kaso paano nga, hindi pa nga sila nakakapag-resume ng taping, isasailalim na uli sa MECQ (modified enhanced community quarantine) ang Metro Manila.

Ibig sabihin, mas magiging mahigpit uli ang pagpapatupad ng health protocols sa NCR at iba pang kalapit na probinsya.

Read more...