Bitoy hiniya, hinaras dahil sa COVID: Iniiwasan ka ng mga tao, kinatatakutan, pinandidirihan

 

PAANO nga ba nahawa ng COVID-19 ang Kapuso TV host-comedian na si Michael V?

Hanggang ngayon ay hindi pa rin masiguro ni Bitoy kung saan niya nakuha ang virus, pero ang feeling niya baka raw sa delivery.

Sa bagong vlog ng Kapuso comedian na “Bitoy Story 30: Level Up” inilahad niya ang ginawang pag-alala sa lahat ng ginawa at pinuntahan niya bago siya tamaan ng killer virus.

“Marami pa rin nagtatanong kung saan ko nakuha ‘yung virus, so let me tell you what I think.

“Noong early July bumiyahe kami sa Batangas at kahit bahay-kotse-bahay lang ‘yung naging sistema namin papunta at babalik, siyempre, ‘yun agad ang pumasok sa isip ko.

“Doon sa biyahe na ‘yun tatlong tao lang ang nakalapit sa akin at lahat sila ay ngayon ay negative.

“Sa apat na kasambahay namin na pinatest din namin, isa ang nag-positive pero asymptomatic.

“At kumpara sa misis ko at mga anak ko, ako ‘yung pinaka hindi in-contact sa kanila. Si Ayoi at ‘yung mga anak ko nag-negative din sa test, so ibig sabihin hindi ko sa Batangas nakuha,” simulang lahad ni Bitoy.

“Ang duda ko deliveries, pero FYI lahat ng deliveries na dumadating hindi nakakapasok sa studio na hindi sina-sanitize.

“Pero dahil sa sobrang excited ko na mabuo ‘yung studio ko, palagay ako na may mga online deliveries ako na nabuksan tapos diretso ginamit ko na.

“Sa sobrang atat ko malamang hindi ko na nasanitize ‘yung nasa loob nung package, ‘yun lang ang nakikita kong paraan para makasingit ‘yung virus sa katawan ko,” pagpapatuloy pa ni Michael V.

Samantala, ibinahagi rin ni Bitoy na dahil sa pagkakaroon niya sa COVID-19 ay naka-experience rin siya ng discrimination at harassment, pati na ang kanyang pamilya.

“Nakakadagdag din sa sakit ‘yung ‘stigma’ sa mga COVID patients, para kang tinatakan ng reject ng lipunan.

“Kahit naka-full PPE (personal protective equipment) ka iniiwasan ka ng mga tao, kinatatakutan, pinandidirihan.

“Ang masama ‘yung iba hinihiya at hina-harass ka pa. Hindi ko nalang idedetalye, pero kami mismo ng pamilya ko naka-experience kami ng harassment,” chika pa ni Bitoy.

Kung may positibong idinulot ang kanyang pagkakasakit ito ay ang, “Kahit paano may magagandang idinulot itong COVID sa buhay sa iba sa atin, mas nakilala mo sarili mo, nalaman mo strength at weaknesses mo, mas nakilala mo ‘yung partner mo, mas napalapit ‘yung pamilya mo.”

Read more...