Ang taunang State of the Nation Address o mas kakilala sa tawag na SONA ay tinakda nang Constitution na maganap tuwing pagbukas ng regular session ng Kongreso o tuwing ikapat na Lunes ng buwan ng Hulyo.
Ang okasyong ito ay pagbibigay buhay sa isang natatanging kapangyarihan ng Pangulo sa ilalim ng Section 23, Article VII ng Constitution, ang Informing Power. Ang kapangyarihang ito ang siya niyang ginagamit sa SONA.
Sa SONA, ang Pangulo, mula pa noong panahon ni dating pangulong Manuel Luis Quezon, ay personal na nagpapahayag sa Kongreso ng mga programa nito o nais gawin o mangyari sa taon kasalukuyan o sa kanyang buong termino. Ang mga programang ito ay kalimitan nangangailangan ng pagpasa ng batas o pagbabago ng batas.
Ito ay pinapaalam ng Pangulo para malaman at magabayan ang mga mambabatas kung ano ang mga dapat na batas na gawin o baguhin alinsunod sa mga nasabing programa.
Sa okasyong ito, pinapaalam din ng Pangulo sa mambabatas at sa mga taong bayan ang kalagayan ng bansa tungkol sa pananalapi, ekonomiya, ugnayan panlabas at kalagayan panlipunan.
Nararapat din na ipahayag ang isang national emergency o calamity na nagaganap o hinaharap ng bansa, gaya ng COVID-19 crisis at ang solusyon para maresolba ito.
Kasama din sa Informing Power ng Pangulo na ipaalam sa mga mambabatas, at siyempre lalo na sa taong bayan, ang mga mabubuting nagawa ng kanyang administrasyon sa bansa, kung mayroon man.
Ang SONA ay isang natatanging okasyon, kung saan ang taong bayan, ano man ang kulay sa politika, ay umaasa at nananalangin magtagumpay ang mga magagandang programa na nilahad ng Pangulo. Ang tagumpay nito ay tagumpay din nila dahil maaaring ito ay magbigay ng katuparan o daan sa minimithi nilang magkaroon ng magandang buhay sa hinaharap.
Ngunit dapat malaman na ang SONA ay hindi itinakda ng Constitution para ipakita ang magagarbo at naggagandahang mala red carpet na damit ng mga mambabatas na naging tradisyon na tuwing SONA, maliban nitong nakaraang Lunes.
Hindi din ito ang nararapat na okasyon para ipahiya, paratangan, takutin at kastiguhin ang mga kalaban sa politika o sino man na hindi sumasang-ayon dito. Ang mga ganitong pahayag ay hindi sakop ng Informing Power ng Pangulo.
Dapat naman din tandaan na hindi obligasyon ng Pangulo sa ilalim ng kanyang Informing Power, na ipahayag at sabihin sa SONA ang lahat ng kanyang programa o impormasyon na nalalaman nito.
Hindi maaaring pilitin nino man, pati na ng korte, na ihayag lahat ng Pangulo sa SONA ang kanyang mga impormasyon o programa na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng bansa. Ang paggamit ng Informing Power ay karapatang pansarili ng Pangulo na hindi pwedeng pakialaman ng sino man.