Celebrity crush ng 5 lady director nabuking; sino ang biglang nahiya kay John Lloyd?

BUKAMBIBIG ng halos lahat ng nakakausap namin ang bansang New Zealand dahil ang ganda-ganda raw doon at napakatahimik.

Bukod dito, hindi rin over populated ang nasabing bansa kaya kung bibigyan ng chance gusto na nilang mag-migrate roon.

Isa rin ang New Zealand sa parating pinagsusyutingan ng Hollywood films tulad ng “Wolverine” (2009); “Lord of the Rings: The Trilogy” (2001-2003); “The Hobbit” (2012-2014); “Mauri” (1988); “The Last Samurai” (2003) at “Black Sheep” (2006).

Doon din kinunan ang “The Lion, The Witch and The Wardrobe: The Chronicles of Narnia” (2005); “Prince Caspian: The Chronicles of Narnia” (2008); “Mission Impossible 6: Fallout” at marami pang iba.

Sa pagpapatuloy ng Q&A Live session nina Direk Cathy Garcia-Molina, Irene Villamor, Antoinette Jadaone, Sigrid Bernardo at Mae Cruz-Alviar ay nabanggit na kung gusto nilang manirahan sa ibang bansa ay ang New Zealand ang pipiliin nila.

Ang tanong ay galing kay Ms. Bibeth Orteza, “Kung hindi kayo Pilipino, what nationality would you want to be and why?”

Unang sumagot si direk Tonette, “Kiwi (Kee-wee).” Ito ang tawag sa mga tao sa New Zealand. Sabi pa niya, “Maganda po talaga sa New Zealand, mas marami pa silang tupa (sheep) kaysa sa tao.”

Say naman ni direk Cathy, “Nagpunta ako sa Queenstown, I fell in love with the place and gusto ko ‘yung rules do’n kasi halos zero crime, ang mga police walang baril, so parang ang safe-safe mo.

“Ang ganda talaga parang lahat ng stop over picturesque gusto mong tumigil at magpa-picture and sobrang love nila ang nature so maganda kung nagpapalaki ka ng family, ng children,” dagdag ni direktora.

Hinikayat naman ni direk Cathy si direk Mae na mag-Kiwi na rin, “Hindi pa kasi ako nakapunta ro’n kaya hindi ko alam, ayaw ko namang magpanggap,” sagot nito.

Patuloy niya, “Pero gustung-gusto ko talaga ‘yung culture ng Japanese, napaka-disiplinado, ang rich ng culture, so, gusto kong maging Haponesa.”

“Ako French,” natawang sabi ni direk Sigrid, “Kasi gusto ko ‘yung lugar sa France, na-preserve talaga nila ‘yung art nila, ‘yung lugar nila, ‘yung culture nila. Gusto ko pa ring nasa arts field ako kapag nasa ibang bansa na ako. E, sa Philippines hindi naman nila priority ang arts. Ang hirap-hirap kayang maging artist sa Pilipinas.”

Hindi naman nakasagot si direk Irene dahil nawalan na ng oras, pero baka sa second part ng Q&A niya ito sagutin.

Samantala, sa isang bahagi pa ng kanilang chikahan ay natanong kung sino ang crush nila sa showbiz.

Ayon kay direk Mae si Aga Muhlach ang celebrity crush niya habang si Tonette naman ay si River Phoenix. Si Edward Norton naman ang sagot nina direk Cathy at Irene at si Sigrid ay si John Lloyd Cruz.

Tila nahihiya pang sabi ni direk Sigrid, “Grabe, ayaw ko na tuloy idirek si John Lloyd!”

Mapapanood ang buong tsikahan ng limang lady director sa Nickl Entertainment YouTube channel.

Read more...