KINONDENA ng Asia’s Multimedia star na si Alden Richards ang pambu-bully at pambabastos sa mga artistang nagsusulong ng kani-kanilang adbokasiya.
Naniniwala ang Kapuso Drama Prince na napakalaki ng kontribusyon ng mga celebrity o public figures sa lipunan, hindi lang sa larangan ng entertainment kundi pati na rin sa public service.
Partikular na binanggit ni Alden sa panayam ng GMA ang kahalagahan ng mga personalidad sa “responsible distribution of information” lalo na ngayong may COVID-19 pandemic.
“Siyempre, celebrities tayo, mayroon tayong following, mayroon tayong mga supporters.
“Ang nakakatuwa kasi kapag may mga supporters ang isang celebrity like me, ‘yung mga supporters ko kapag I shared a good campaign with good intentions, naka-follow sila, e.
“Kumbaga network ‘yan, e. Parang it starts from you, goes down to your followers, the loved ones of your followers, etc. etc,” paliwanag ng binata sa nasabing interview.
Hinikayat naman niya ang mga kasamahan sa showbiz industry na gamitin ang kanilang powers para makapagbigay ng tama at totoong impormasyon sa publiko para maiwasan ang pagkalat ng fake news.
“’Yung influence talaga napakaimportante ngayon. Especially nga now na madali ang access sa social media. Lahat may smart phone na, lahat nagkakaroon na ng access sa internet.
“Us being public figures or celebrities, we have the obligation to be responsible for the distribution of true information to the public. ‘Yun ‘yung nagagawa namin as public figures,” pahayag pa ng “Centerstage” host.
Kinastigo rin ng Pambansang Bae ang nangyayaring celebrity-shaming sa social media lalo na ang pambu-bully sa mga personalidad na naglalabas ng kanilang saloobin sa mga kontrobersyal na issue sa lipunan.
“Kasi tingin ng iba, I’m not generalizing everyone, but siguro may iba na kapag nagpa-participate ang isang celebrity sa isang campaign against a global issue like now it’s COVID-19, parang hindi kasi essential and I totally disagree to that.
“Every public personality is essential for the distribution of truthful information to the public and the public deserves true information.
“Parang du’n sila nagre-rely, e. Du’n nagre-rely ang public sa mga information na nakukuha nila. Kung paano sila mabubuhay everyday. They don’t deserve fake news.
“Kami ang pwede naming maibigay is true information and presence and influence namin to raise awareness about certain issues na nangyayari sa paligid natin,” lahad pa ni Alden na isa na rin ngayon sa Department of Health’s ambassador para sa anti-COVID-19 campaign na “BIDA Solusyon.”