TV host naalarma sa b-day salubong video ni Sue Ramirez: Parang may mali

MAY TV host na nagpadala sa amin ng isang video sa birthday asalto ni Sue Ramirez noong Hulyo 19.

Kuha ito ng kaibigan niyang si Kristel Fulgar na uploaded din sa Instagram account at YouTube channel.

Ang comment ng nagpadala sa amin sa nasabing video, “Alam mo, tuwang-tuwa ako sa dalawang ito (Sue at Kristel) pero ngayon may mali. Baka gayahin sila ng iba. Si KC Montero nga hinuli eh, di ba?

“Ang mga artista sana dapat good influence. Etong mga ito, aba’y nag-party pa. Pajama party, invited HS friends over for her salubong birthday. At ipinost pa sa YouTube.

“Kahit pa iilan lang yan, kung galing sila sa ibat ibang bahay, hindi mo alam kung ano ang meron in each homes. Covid knows no one. Kaya hindi nagpa-flatten ang curve dahil sa mga ganito eh.”

Dagdag pa niyang komento, “But of course that is just my opinion.”

Nabanggit namin sa nagpadala na sa pagkakaalam namin ay puwede ang mass gathering tulad nitong pajama party ni Sue kung 10 or less ang tao.

“Still with physical distancing right? Panoorin mo. Love ko sila promise. Medyo off lang ito for me,” sagot sa amin ng TV host.

Pinanood namin ang nasabing video at limitado nga ang bisita pero napansin naming wala silang mga suot na face mask o face shield, nagsasayawan, nagkakantahan at naghahampasan pa ng mga unan, as in wala ngang social distancing.

Sa simula ay naka-pajama outfit na si Kristel at pumunta ng Trinoma para kunin ang cake na ipinagawa niya for Sue saka sumakay ng sasakyan.
Diretso siya sa bahay kung saan ginanap ang asalto at dinatnan nga niya roon ang mga kaibigan ni Sue.

Nakita naming walang health and safety measures si Kristel dahil ang damit na ginamit niya pagpunta ng Trinoma ang siya ring gamit niya sa party at hindi nagpalit or something.

Well, baka naman nagwisik-wisik siya ng alcohol ang young actress. Pero sapat na ba iyon? Hindi ba’t dapat ay nagpalit muna siya kung hindi kayang maligo.

At take note ang dami nilang pictorial na magkadikit at magkayakap pa.

Samantala, may padalang birthday cake ang aktor na si Javi Benitez na leading man ni Sue sa pelikulang “Kid Alpha One”.

Pinasalamatan naman siya ng aktres sa regalo nitong cake, “Thank you, Babe.”

Umabot sa 429,155k ang views ng asalto video ni Sue sa YouTube channel ni Kristel na tumakbo ng 10 minutes at 2 seconds.

Halos puro positibo naman ang comments ng netizens sa vlog entry at lahat ay binabati ang dalawang aktres dahil sa magandang friendship nila.

Ang tanong, nagpa-rapid test kaya sina Sue at Kristel pati na ang mga kaibigan nila para masabing safe silang magdikit-dikit pati na rin ang kani-kanilang pamilya?

Read more...