Isa kami sa masaya para kay KC Concepcion dahil finally ay may pagbabago na sa acting niya kaya naman napuri na siya sa seryeng Huwag Ka Lang Mawawala bilang si Alexis, ang kontrabida ni Judy Ann Santos na gumaganap naman bilang si Anessa.
Sa limang taon ni KC sa showbiz ay ngayon lang nagustuhan ng karamihan ang kanyang akting kaya naman sobrang overwhelmed ang dalaga.
Alam din ni KC na madalas siyang naikukumpara sa mommy niyang si Sharon Cuneta na talaga namang napakahusay na aktres kaya naman dumating siya sa puntong naghanap ng “shoulder to cry on”, pero hindi naging sapat ang taong iyon dahil hindi rin naman niya ito nakasama nang matagal.
At sa muli niyang pagbabalik sa serye pagkatapos ng Lover’s In Paris ay alanganin na siyang tanggapin noong una ang Huwag Ka Lang Mawawala dahil sino nga ba naman ang hindi kakabahan kina Juday, John Estrada, Mylene Dizon, Susan Africa, Tirso Cruz III, Coney Reyes at iba pa na pawang minamani na lang ang pag-arte?
Pero ang mismong ate Juday daw ng dalaga ang nagsabing, “Tanggapin mo ang project.” Kaya naman pikit mata niya itong tinanggap without knowing na dito siya mapapansin nang todo as an actress, bilang “kabit”nga ni Sam Milby na gumaganap naman bilang si Eros.
Naikuwento ni KC sa entertainment press ang eksenang ikakasal sina Eros at Alexis dahil halos buong cast daw ay nasa simbahan at sa kanya nga nakatuon ang atensyon ng lahat.
“Doon ko po na-realize kung gaano kabigat ‘yung cast na kasama ko, nandito sina tito Pip, tita Coney, nandoon silang lahat, even Empress, ang dami-dami nila roon, doon ko po na-realize na, wow, this is a great opportunity for me to learn from these veteran actors and ‘yun din po ‘yung sinabi ni mom (Sharon) sa akin na, ‘You go there and you ask your questions, this is your chance to ask them about the craft.
“Si tita Coney, we talk a lot, si tito Pip din, ‘yung scene na ginawa niya na lalabas pa lang yata, ‘yung revelation din ni Romulus (Pip bilang bakla). Ang ganda pala ng feeling na mayroon din naman akong ginagawang tama pala.
“I’m on the right track pala, and really, really such an incredible for me to be part of story na kasi kami lang po ‘yung cast talaga, walang malaking-malaki (marami) na cast and every taping day, kami-kami lang po ang magkakasama.
“And of course ate Juday has been so ever generous and totoo naman po ‘yun na she’s the Queen sa teleserye and she so humble and napakaganda ng feeling na, niyakap ko siya kagabi, at sinabi ko na, ‘May ate talaga ako, ate talaga kita (Juday).’ May moment talaga kami sa set na ganu’n.
“And it’s really unforgettable na parang ang tingin ko rito foundation ko na maski saan ako makarating in terms of acting, e, ang gandang foundation. Ito siguro ang masasabi kong I will always comeback to this, to every moment ng taping namin kasi one year din po ‘yun, so ang tagal din po namin ito tinrabaho,” mangiyak-iyak na kuwento ni KC.
“On a personal level po, I just want to say how thankful I am na binigyan ako ng ganitong project, naisip akong ilagay dito ni ate Juday and of course si tito Deo (Endrinal) that sat me down and believe in me also na talagang binigay niya rin sa akin ito.
“Puwede namang nag-no siya (Deo), puwede namang gusto ni ate (Juday) at maraming tumutol. Marami na rin po kasi ako rating naririnig na, ‘Ano bang ginagawa mo (KC) rito, hindi ka naman marunong umarte, hindi ka naman kasing galing ng magulang mo and so many other things.
“Kaya thank you so much tito Deo, thank you Dreamscape and ate Juday, hindi ninyo ako talaga pinabayaan, naramdaman ko talaga ‘yung alaga and admittedly, hesitant po talaga ako (tanggapin) baka kung ano gawin sa akin dito, kasi nasa kanila ‘yung power to make or break me or any artist, so honestly,” pahayag pa ni KC.
Samantala, tinanong si KC pagkatapos ng presscon kung nagkaroon na siya ng self-confidence sa acting ability niya ngayon, “Siguro po, yes, I can say na minahal ko ‘yung acting, ‘yung craft, ‘yung mga taong nakikita at nakakatrabaho ko, napakaganda ng feeling talaga.”
Dagdag pa ng dalaga, “This is a launching path for me, new beginning na hinihintay ko talaga.” Nabanggit din ni KC na sobrang inspired siya sa tweet ng mommy niya, “Kasi mapili po ‘yun sa mga sinasabi niya, so coming from her talaga, nakaka-uplift po ng pakiramdam not just a Megastar in this industry, but more because she’s my mother, ang laking encouragement po sa akin no’n.”
( Photo credit to Google )