HINIKAYAT ng nanay nina Elmo at Maxene na si Pia Magalona ang bawat Filipino na manindigan para sa kanilang karapatan sa kahit anong laban.
Naging emosyonal ang talent manager nang tanggapin ang posthumous 2020 MYX Magna Award para sa kanyang yumaong asawa na si OPM icon na si Francis Magalona.
Dito, ipinaalala niya sa madlang pipol ang palaging paalala ni Francis M sa kanyang mga kanta — ang pagmamahal sa bayan at pagmamalasakit sa mga kapwa Pinoy.
“Si Francis M, ay nagsulat ng mga awitin na talagang dapat niyong pakinggan dahil maraming nilalaman yun na nagtuturo sa atin na ipaglaban ang ating mga karapatan at itinuturo rin sa atin na sa atin ang ating bansa at wala nang iba.
“Kailangan nating lumaban especially ngayong time ng pandemya. Ipaglaban natin ang ating mga karapatan…let’s speak up and fight for our rights,” bahagi ng naging pahayag ni Pia kasabay ng pasasalamat sa patuloy na pagbibigay halaga at parangal kay Francis M.
Sa ginanap na MYX Music Awards kagabi, nakasama ng mga anak nina Pia at Francis na sina Saab, Elmo at Barq Magalona sina Gary Valenciano, Chito Miranda, Raymund Marasigan at Yael Yuzon sa isang tribute performance.
Pumanaw ang tinaguriang “King of Philippine Rap” noong 2009 dahil sa leukemia.
Ilan sa mga pinasikat niyang kanta ay ang classic hit na “Mga Kababayan,” “Man From Manila,” at “3 Stars And A Sun.”