TAWA kami nang tawa habang pinanonood namin ang live Q&A session with Direk Cathy Garcia Molina sa kanyang YouTube Channel na NicklEntertainment.
Napakaraming revelations tungkol sa mga guests niyang box-office hit directors din na sina Antoinette Jadaone, Mae Cruz-Alviar, Irene Villamor at Sigrid Andrea Bernardo.
Sabi nga ni direk Cathy, “No need for introductions for these directors because their movies speak of them.”
Ang direktora ng “That Thing Called Tadhana” ang pagpapakilala kay Tonette; direktora ng “Kita Kita” naman si Sigrid; “Sid & Aya” direktor naman si Irene at ipinakilalang kapatid at direktora ng “Bride for Rent” at marami pang iba si Mae Cruz.
“This is kulitan, little chismis and getting to know of ourselves na hindi pa alam ng audience, so we will talk less of our jobs,” say ni direk Cathy.
Ang mga tanong ay manggagaling sa “invisiBowl” at hangga’t maaari ay iiwasan nila ang tungkol politika, relihiyon. Bawal din ang magsinungaling at mga neutral answers.
Si direk Sigrid ang unang natanong kung naniniwala ba siyang mas magaling ang direktor na babae kaysa sa lalaki?
“Para sa akin ay wala sa sekswalidad, pag magaling ka magaling ka. Babae, lalaki, bakla o tomboy anumang kasarian ‘yan, depende ‘yan sa talento at saka sa kung paano mo pinaghirapang gawin ang pelikula mo. Kaya wala ‘yan sa sekswalidad,” saad ni Sigrid.
“May mga lalaking sensitive,” hirit ni direk Mae. “Si Dan (Villegas), sensitive ‘yun,” na sinang-ayunan naman ng lahat.
Hirit ni Direk Sigrid, “Oo, pero may mga lalaking wala rin. ‘Yung mga wala, bagay sila sa mga horror (movies),” sabay tawa.
Ang tanong naman kay direk Tonette ay kung ano ang mas madaling gawin, magpatawa, magpakilig o magpaiyak ng audience?
“Ang hirap ng tanong. Para sa akin po, mahirap magpatawa kasi iba’t iba ‘yung humor. Maaaring nakakatawa roon sa isa, puwedeng hindi nakakatawa (naman) doon sa isa or puwedeng nakakatawa sa iba, puwedeng offensive naman doon sa isang tao.
“Yung nakakaiyak at nakakakilig ay puwede mong lapatan ng musika, kaya mong lagyan ng slow mo (tion). Pero ‘yung pagpapatawa pag corny, corny,” aniya pa.
Natatawang sabi ni direk Cathy, “Di ba pag premiere night akala mo tatawa sila (audience) pero tapos tahimik sila. Tapos merong pelikula na drama, p**ta nagtawanan talaga sila! So ako parang ‘o sh*t!” Kaya sang-ayon naman din siya na mahirap talagang magpatawa.
“Ano ang special technique sa pagmo-motivate?” ang tanong na nabunot ni direk Irene, “Naku ‘yan pa ang napuntang tanong, hirap ako diyan,” bungad niya.
“Dapat magaling ‘yung artista ko kasi nahihiya akong mag-motivate. So pag nagsabi na siya ng ‘direk help’ nginungudngod ko na lang siya sa pader (sabay tawa).
“Lagi ko silang pine-prepare before day 1 kasi hirap talaga akong mag-motivate, so mas maraming usap muna before the shoot kesa ro’n sa actual shoot. Kaya kapag nagsabi na ng ‘direk help’ kung ano ‘yung na-gather ko from the usap-usap sa preparation, ‘yun yung gagamitin ko at kung saan mo sila mahi-hit medyo personal at depende kung sinong artista,” kuwento ni Irene.
Ni-request ni direk Cathy na baka puwedeng sumagot din sina Sigrid, Mae at Tonette para marinig ng manonood kung ano ang sikreto nila sa pagmo-motivate ng artista.
“Uy, ang hirap talagang mag-motivate ha, kasi minsan wala ka sa mood, so kailangan mong i-motivate muna sarili mo,” say ni direk Mae.
“So, kapag sinabing ‘direk help,’ sabi ko, ‘wait mag-internalize (rin) ako, music-music. Pero in general mahirap talaga you have to know the person, like Irene na sinabing you have to prepare ahead, I also do that.
“I talk to the actors before hand at least kakilala mo na how does he work and pag kilala mo na kasi mas madali na kung saan ka huhugot pero sa totoo lang nakaka-intimidate ang motivation,” sabi pa ng direktora.
Ayon naman kay direk Tonette, “Parehas po kami ni Irene, hindi rin ako marunong mag-motivate, hindi po ako marunong magpaarte kaya ang ginagawa ko po, pinagwo-workshop ko ‘yung actors tapos maraming usap, pag-uusapan ang eksena.
“Kasi kapag nasa set hindi ko pa alam kung paano ‘yung tamang motivation kaya DIY (do it yourself) lang lagi. Si Dan (boyfriend niya) po ‘yung magaling diyan.”
Hirit ni direk Cathy, “Paano Tonette kung syunga ‘yung artista mo? Kahit nag-usap na kayo, you know (wala pa rin)?”
“I think, change actor. Ha-hahaha!” tumawang sagot ni direk Tonette kaya nagtawanan na rin ang lahat.
Sabay sabi ni Tonette na si direk Sigrid ang magaling mag-motivate dahil theater actress ito. “So do you motivate?” tanong ni direk Cathy kay Sigrid.
“Yes po, punumpuno ako ng motivation. Very important sa akin ‘yung process na may workshop ako 10 days and then may script analysis tapos ini-explain ko yung characters nila tapos during the workshop nandoon ako para ire-rehearse namin ang lahat ng eksena kaya napakahirap talaga ng ginagawa nila (artista) pag sa akin.
“Pero kasi para sa akin madali ‘yun para pagdating ng shoot alam na nila pag mino-motivate ko sila, alam na nila ‘yung terms and alam nila kung anong part na character 1, character 2 kaya alam nila kung ano ‘yung gagawin.
“Meron din kasing mga artista na magaling, na binibigyan ka ng bago, ‘yung let’s say idinirek ko siya tapos may ibnigay pa siyang mas bago, so nakakatuwa ‘yung mga ganu’ng artista.
“Pero may mga artista talaga na kahit anong turo mo, hindi talaga kaya. Minsan magiging teknikal ka like yung pag-smile niya, pagkunot ng noo or physical na itsura. Pag hindi na niya kaya ang internal motivation, nasa physical na kaya ipinapakita ko sa kanya,” mahabang kuwento ni direk Sigrid.
Ayon naman ay direk Cathy ay hawig sila ng galawan ni direk Mae dahil nga iisa ang mentor nila, si direk Oive “Inang” Lamasan.
“Nahiya akong bigla, kasi ang mga artista ko, salang agad, walang script na ready, normally working script lang meron,” ani direk Cathy.
Hirit katwiran ni Sigrid, “E, kasi direk nagte-theater ako, so sayang naman ‘yung napag-aralan ko kung hindi ko gagawin, may advantage lang ako. Saka sayang hindi ako naging artista, e, di buhos ko na lang sa mga artista ko ‘yung napag-aralan ko.”
Dapat tandaan ng mga artistang nakapanood sa live chikahan ng mga direktor kung paano mag-motivate ang mga ito para hindi sila itsismis kapag off-camera na.