Ang ulo niya’y kinalalamnan ng maraming bagay. —Jose Rizal, Si Kapitan Tiyago, Noli Me Tangere
ARAW-araw ay nakikipaglibing ang sambayan, sa ayaw at sa gusto niya, sa mga isyung sumasabog at sumusulpot, sa mga balitang nangyayari at pinangyayari at ibig mangyari, lalo na ng nasa poder.
Mas masalimuot ang mga nangyayari, mas gusto ito ng mga namamahalang mas gusto nilang dalhin ang mahihirap sa baluktot, kesa tuwid, na daan.
Mas masalimuot ang mga nangyayari, mas lalong hindi ito maiintindihan ng mahihirap, ng arawang obrero. Para sa mangmang at mababa ang pinag-aralan dahil sa labis na kahirapan at kawalan ng pansin ng mga politikong makamahirap daw, hindi niya pag-uukulan ng mahabang oras ang paghihimay at pag-uunawa sa masalimuot dahil mas uunahin niya ang magtrabaho, kung meron pa, o mamulot ng itinapong plastic para maibenta ito sa junk shop at may tunay na pantawid gutom (hindi ang pantawid gutom na ibibandera ng Malacanang dahil hindi naman iyon nakararating sa kanya, at bakit naman makararating sa kanya?).
Sa tuwirang tukoy, ang kahindik-hindik na mga isyu na ikinalat ni Janet Napoles ay paglilibing sa limot sa napakaraming isyu. Matagal nang inililibing sa limot ang isyu ng sinasabing pekeng eleksyon noong 2010 at 2013, na ginamitan ng Smartmatic PCOS, kahit na namamaho na ang napakaraming katanungan at pangyayari (hindi na nga nalutas ang problema sa isang bayan sa Cebu) hinggil sa kapalkapakan nito at programadong pandaraya.
Kung sa bawat dumaraang araw ay hindi na nareresolba ang kontrobersiya, tiyak na mauulit ito sa 2016 dahil napakadaling inulit ito sa halalan sa 2013.
Inilibing na ng kontrobersiyang Janet Napoles ang Atimonan massacre, na iginigiit na nakasampa na ang kasong murder laban sa maraming tagapagtanggol sana ng taumbayan.
May taumbayan din namang namatay at pinatay sa insidente at ang nangyari sa kanila ay puwedeng mangyari sa sinumang simpleng taumbayan na walang kakamping malalakas at nasa poder.
Huwag sanang kalimutan na ang mga isyu sa insidente ay malalalim at tanging ang may pera lamang, at kapangyarihan, ang puwedeng lumahok at makisawsaw.
Inilibing na ng kontrobersiyang Janet Napoles ang pamamaslang kina Kulot at Kambal, mga miyembro ng Ozamiz gang, na mas lalong lumalim at luminaw ang kuwento (na muli, ay nakagulo sa isipan ng pitong lasing sa Batangas dahil mas malabo pa ito sa sabaw ng pusit) nang tumestigo ang dalawang pulis na hindi inambus ang puting van at mismong sila ang bumaril sa windshield bilang pagsunod sa uto ng nakatataas; at nang madiskubre na ang ginamit ng mga pulis na puting van para ibiyahe sina Kambal at Kulot ay karnap pala (ano ngayon ang kaibahan ng mga pulis na ito sa pusakal na kriminal at ano ang naiba?).
Muli, kinasuhan na raw ang mga nasasangkot. Sa mata at karanasan ng mahihirap, ang hustisya ay para lamang sa malalakas at mayayaman at kailanman ay hindi nakakamit ng mahihirap.
Inilibing na rin ng kontrobersiyang Janet Napoles ang mahigit dalawang taon na pagtitiis at pagtitimpi ng mahihirap na bumili, ng hulugan, ng motorsiklo na hindi sila binigyan ng plaka sa kabila na bayad na sila at ginamit na ng Land Transportation Office ang pera ng mahihirap (hindi tayo naniniwala na ginamit sa casino ang pera ng mahihirap na bumili ng motorsiklo, pero masakit sa damdamin na ang inaasahang opisyal na magbibigay ng plaka para hindi na araw-araw inaabuso at ginagawang gatasang baka ng tiwaling mga pulis at traffic enforcer ang mga naka-motor ay nakataas pa ang paa habang naglalaro sa casino).
Inilibing na rin ng kontrobersiyang Janet Napoles ang napakasariwang balita na mas marami na ang nagugutom ngayon sa kabila ng pagbabandera ng Malacanang na lumalago ang ekonomiya (muli, mahirap maunawaan ito ng pitong lasing sa Batangas); ang survey na hindi napasubalian ng tagapagsalita ng konseho estudyante, na nagpaliwanag pa, pero butas, na ginagawa naman daw ng pamahalaan ang lahat para maibsan ang kagutuman.
Pero, hindi katanggap-tanggap ang ganitong palusot sa mahihirap dahil kung may mga paraan na ginagawa ay bakit dumami ang mga nagugutom?
Hindi rin maikaila ng Palasyo na napakarami na ang walang trabaho dahil ang mismong gobyerno ang nagsasabing mas dumami ang bilang ng mga tambay. Nagkakalokohan na ba?
Inilibing na rin ng kontrobersiyang Janet Napoles ang P20 bilyon hindi nakolekta ni Customs Commissioner Ruffy Biazon at ang talamak na pagpupuslit sa Aduana bunsod ng tawag ng mga napakamakapangyarihang halal at hirang na opisyal na lahat ay malalapit sa Ikalawang Aquino. Saan sila humuhugot ng kapal ng mukha?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.