Pinay vlogger na si Mika dumipensa: ‘Kung meron po akong nilabag, dapat nasa presinto na ako’

https://www.youtube.com/watch?v=1DA9436drzo

Dumipensa ang Pinay vlogger na si Mika Salamanca at sinabing may basbas ng mga awtoridad ng Hawaii ang kanyang paglabas ng bahay sa kabila ng utos na self-quarantine.

Sa video statement na nakapost sa Twitter at YouTube, sinabi ni Mika na pinuntahan sya mismo ng mga law enforcers sa bahay kung saan sya naka-quarantine.

“Sila po mismo ang nagsabi sa akin na, ‘You’re not in trouble. If you’re negative you can go out’,” sabi ni Mika.

Ayon pa sa kanya, “Sa lahat po ng test na kinuha ko po, negative po ako.”

Dumating si Mika sa Honolulu mula Maynila noong Hulyo 6. Ayon sa patakaran ng Hawaii para kontrolin ang pagkalat ng COVID-19, ang mga turista o citizen na galing sa ibang bansa ay kinakailangang mag-self quarantine ng  14 na araw.

Pero apat na araw pa lamang pagkarating sa Honolulu, nakita na si Mika sa mga video posts na nagsasayaw sa loob ng isang mall kasama ang ilang kaibigan at kumakain sa isang restaurant.

“Inaamin ko po na nagkamali po ako. Nong time na dumating ako dito sa Hawaii ay agad po kaming lumabas,” ani Mika.

“Sorry po. Wala po akong na-spread na virus,” panigurado pa ng vlogger.

Sinabi ni Mika na tinapos nya ang kalahating buwan na self-quarantine.

“Kahit sinabi po ng mga law enforcers na, ‘You can go out pag negative ka,’ nag-stay pa rin po ako sa bahay for 14 days,” ayon sa pahayag ni Mika.

Ito ay bagay na mariing pinabulaanan ni Attorney General Clare E. Connors.

“Walang sinuman sa mga imbistigador ko ang magpapaabot ng ganyang impormasyon, dahil iyan ay di tama,” Ayon kay Connors.

“Ang katotohanang maraming followers si Ms Salamanca ay isang dahilan para ang kanyang mga aksyon ay maging higit na mapanganib at nakababahala. Ang pagkakalat ng maling impormasyon ay maaring magkaroon ng matinding konsekwensya sa panahon ng emergency situation gaya ng nararanasan natin ngayon,” wika pa niya.

Pero para sa Pinay vlogger–na may 2.3 million subscribers sa YouTube, 1.7 million sa Twitter at 1.6 million sa Instagram–wala syang nagawang kasalanan.

“Kung meron po talaga akong nilabag, feeling ko ngayon dapat nasa presinto na ako,” ayon sa kanya.

Sa ulat ng Honolulu news station na KITV, inaresto si Mika sa salang paglabag sa patakaran ng Hawaii sa quarantine. Pansamantala siyang nakalaya matapos magpiyansa ng $2,000.

RELATED STORY
Pasaway na Pinay vlogger na si Mika Salamanca, arestado sa Hawaii

Read more...