10 PCOO personnel positibo sa COVID-19; Andanar nag-negatibo

Communications Secretary Martin Andanar (Presidential Photo)

Sampung kawani ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang nagpositibo sa COVID-19, ayon kay Communications Secretary Martin Andanar ngayong Sabado.

Samantala, sinabi rin ni Andanar sa isang pahayag na nagnegatibo naman ang test sa kanya na isinagawa noong Huwebes.

Ayon sa kanya, ipanapaabot ng PCOO ang “pag-asa at panalangin para sa mabilis na paggaling” ng mga kawani sa coronavirus.

“Nais naming bigyang kasiguruhan ang mga pamilya ng kawaning infected ng COVID-19, at pati na rin ang publiko, na ginagawa ng PCOO ang lahat ng health at medical protocols na ipinapatupad ng pamahalaan, lalupa sa puspusang contact tracing at testing,” ayon kay Andanar.

Ito ay para na rin maiwasang lalupang kumalat ang virus sa mga taong maaring nagkaroon ng interaksyon o contact sa 10 kawani, dagdag pa niya.

“Ibibigay din namin ang anumang tulong at suporta na maari namaing ibigay sa mga apektadong kawani sa kanilang pamilya,” ani Andanar.

Dahil dito, pansamantalang isasara muna ang tanggapan ng PCOO sa New Executive Building sa Malacañang para magsagawa ng disinfection, dagdag ni Andanar.

“Gayunman ay asahan pa rin na ang pagpapaabot ng mahalaga at napapanahong impormasyon sa mga Pilipino ay di magbabago at magpapatuloy dahil nagpapatupad ang ahensya ng work-from-home arrangement,” wika niya.

 

Read more...