Anti-Political Dynasty at ang ABS-CBN imbestigasyon

Matapos na ibasura ng Kamara (House of Representatives) ang ABS-CBN franchise bill at sabihin ng Pangulo na matagumpay nitong nabuwag ang “oligarchy” na hindi binababa ang martial law, ang usaping anti-political dynasty ay nabuhay.

Ayon sa mga nagsusulong ng anti-political dynasty, ang totoo at ang tunay na mga “oligarchs” ay ang mga political dynasties na may yaman at may kontrol sa politika sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Dahil sa kanilang yaman at kapangyarihang politikal, naiimpluwensyahan at nakokontrol nang mga ito ang patakaran sa pangangalakal, at sa pangkalahatang ekonomiya para isulong ang
kanilang sariling interest.

Matagal ng usapin ang anti-political dynasty at marami na din nagmungkahi at nagsulong nito sa Kongreso, ngunit hindi ito kailanman nabigyan ng tamang pansin at sapat na panahon para pag usapan at maisabatas. Ang dahilan dito ay halos lahat ng kongresista at ilan sa mga senador, pati na ang Pangulo at mga dating pangulo ay kabilang sa political dynasties. Hindi ito naipasa at hindi din ito maipapasa sa kasalukuyan o sa nalalapit na panahon dahil ito ay kontra o salungat sa kanilang interest.

Maski tugunan ng Pangulo ang hamon ng ilang senador na himukin ang mga kaalyado nito sa Kamara para isulong ang anti-political dynasty sa Kongreso at i-Certify ito bilang isang urgent bill ay walang katiyakan na positibong tutugunan ng mga mambabatas ito. Una, ang pagsasabatas ng anti-political dynasty ay kontra at salungat sa interest ng karamihan sa kanila. Hindi ito isusulong ng mga apektadong mambabatas. Sa politika walang permanenteng kakampi, permanenteng interest lang. Pangalawa, hindi maaring i-Certify ng pangulo bilang urgent bill ito dahil wala namang public calamity o emergency upang agarang isabatas ito.

Ang tanging paraan lang na maisakatuparan at maisabatas ang anti-political dynasty ay sa pamamagitan ng Initiative and Referendum Act (Republic Act No. 6735) o yung mas kakilala sa tawag na People’s Initiative. Sa ilalim ng batas na ito, binibigyan ng kapangyarihan ang sinumang rehistradong botante na direktang magmungkahi at magpatibay ng isang batas, gaya ng anti-political dynasty law. Magiging ganap na batas lang ang anti-political dynasty kung makakalikom ito ng sapat na pirma, aprobahan ng Comelec ang petition at paboran ng nakakaraming botante ang pagsasabatas nito sa isang referendum.

Gaya ng people’s initiative na kinakasa ngayon ng mga ABS-CBN supporters, ang pagsulong ng anti-political dynasty na naaayon sa Initiative and Referendum Act ay napakahirap dahil sa napakahabang proseso at mga masasalimuot na alituntunin na dapat gawin bago ito maisabatas, partikular na ang pag pondo sa referendum. Pero hindi gaya ng ABS-CBN na mayroon pang ibang legal na lunas at pag-asa para makakuha ng kinakailangang prangkisa, ang people’s initiative ay ang tanging paraan lamang para maisabatas ang anti-political dynasty.

Dahil hindi ito ipapasa ng Kongreso, wala ng ibang legal na paraan para mabigyan buhay ang probisyon ng Article 2, Section 26 ng Constitution kung saan maliwanag na pinagbabawal ang political dynasty. Ito lang ang tanging legal na paraan para mabuwag ang mga tunay na “oligarchs” -political dynasties-na matagal ng naghahari sa ating bansa.

——————————

Tila may mga hakbang sa Kamara para imbestigahan ang ilan sa mga ara-arian ng ABS-CBN Corporation, particular ang lupa sa Mother Ignacio at Jusmag compound, kung saan nakatayo mismo ang studio at iba’t-ibang building ng ABS-CBN.

May nagsasabi na hindi daw ito legal na pag-aari ng ABS-CBN Corp. at ang titulo nito ay isang peke.

Kung totoo ngang may legal question sa pag-aari o problema sa transfer certificate of tile (TCT) ng ABS-CBN Corp sa lupa nito sa Mother Ignacia at Jusmag compound ang dapat magimbestiga at magreklamo dito ay ang Land Registration Authority (LRA), Department of Justice o Office of the Solicitor General at hindi ang Kamara.

May hangganan at limitasyon ang kapangyarihan ng Kongreso na magsagawa ng inquiry o hearing “in aid of legislation”, isa na dito ay ang mga tungkol sa pribadong usapin o bagay, gaya ng isyu tungkol sa pag-aari ng pribadong lupa.

Ang usapin naman na parusahan o patawan ng multa ang ABS-CBN Corp. sa mga di-umanong paglabag nito sa mga batas at regulasyon ay wala din sa kapangyarihan ng Kamara o Kongreso. Ang kapangyarihan ng Kongreso ay gumawa ng batas at hindi mag gawad ng desisyon at magparusa. Walang judicial power ang Kongreso na natatangi lang sa korte.

Read more...