“MANAHIMIK ka na lang kung wala kang sasabihing maganda.”
Yan ang mensaheng nais iparating ng Kapamilya singer-actor na si Matteo Guidicelli sa madlang pipol sa gitna ng ginagawang protesta sa pagpapasara sa ABS-CBN.
Naniniwala si Matteo na mas okay nang manahimik kung alam niyang hindi naman makabubuti ang mga sasabihin niya.
Sa kanyang Instagram Stories, nag-post ang asawa ni Sarah Geronimo na isang quote card na pinaniniwalaang sagot nito sa patutsada ni Angel Locsin sa lahat ng mga Kapamilya stars na nananatiling tahimik sa tuluyang pagpapasara sa ABS-CBN.
“Speak only when you feel that your words are better than your silence,” ang laman ng quote card ni Matteo na isang sikat na Arabian proverb.
Nauna rito, nag-post din si Matteo sa IG ng isang litrato ng kandila na may caption na, “We lit a candle last night. Took a moment and prayed for each and every employee some of which are close to my heart from the years we spent together.
“Hold on tight, we will rise again,” mensahe pa ng kasalukuyang youth ambassador ng National Youth Commission (NYC).
Kung matatandaan, sa ginanap na rally at noise barrage ng mga empleyado ng Dos kamakailan, tinalakan ni Angel ang mga kapwa Kapamilya stars na ayaw manindigan para sa network.
“At sa mga kapwa kong artista na hindi nagsasalita, tatahimik pa ba kayo? Wala na kayong network!” galit na sabi ni Angel.
“Kahit magpa-cute kayo sa Instagram, kahit mag-send kayo ng sad face. Hindi ninyo nadadamayan ang mga katrabaho ninyo na dahilan kung bakit kayo sumikat!
“Huwag kayong matakot! Wala na kayong proprotektahan na career or image! Nandito na tayo sa panahon na kailangan ninyo magsalita!” ani Angel.
Makalipas ang isang araw, naglabas naman si Sarah Geronimo ng official statement tungkol sa naging desisyon ng Kongreso na huwag nang i-renew ang prangkisa ng istasyon.
“Mahal ko po ang aking ABS-CBN family. Mahalaga po sa akin ang bawat empleyado na labis na nagdadalamhati ngayon dahil sa kawalan ng trabaho.
“Nakikiisa po ako sa kanilang apila na muling makabalik sa trabaho upang patuloy na makapagbigay serbisyo para sa kani kanilang mga pamilya at para sa bansa,” bahagi ng pahayag ng Popstar Royalty.