Erik Matti nagalit sa pagpasok ng ‘Praybeyt Benjamin’ sa MMFF 2020; fans ni Vice umalma

BASAG na basag si Vice Ganda sa patutsada ng direktor na si Erik Matti sa pagpasok ng “Praybeyt Benjamin” sa 2020 Metro Manila Film Festival.
Pero kasabay nito, “sinunog” din siya nang bonggang-bongga ng mga tagasuporta ng TV host-comedian at tinawag pang bitter at inggitero.
Hindi aprub kay Direk Erik ang pagkakapili ng Selection Committee sa pelikula ni Vice bilang isa sa unang apat na official entry para sa 2020 MMFF na magaganap sa December.
Nag-post sa kanyang Facebook account ang direktor at tinira ang entry ng Phenomenal Box-office Star, “Bagsak na nga ang pelikula, sumara na ABS, Praybeyt Benjamin pa rin palabas sa Pasko? Walang nagbago a! Kinangkina!”

Hirit pa niya, “5 months lockdown. Thousands of content binged. Biggest network closes. Praybeyt Benjamin. We never learned.”

Ito na ang ikatlong pagkakataon na mapapasali sa taunang festival ang “Praybeyt Benjamin” ni Vice. Una itong sumabak sa MMFF 2011 habang ang part 2 naman nito ay muling lumaban noong 2014 na parehong nanguna sa takilya.

Kamakailan, in-announce nga ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na siyang namamahala sa MMFF, ang unang apat na pelikulang pumasok sa Magic 8 at isa na nga riyan ang “Praybet Benjamin 3″ ni Vice.

Habang sinusulat namin ang artikulong ito, wala pang sagot si Vice sa patutsada ni Direk Erik pero ilang fans na ng TV host-comedian ang rumesbak sa kanya para idepensa ang komedyante.

Huwag na raw magreklamo ang direktor dahil nagdesisyon na ang mga organizer ng MMFF, mas mabuti raw na gumawa na lang siya uli ng pelikula na tatabo sa takilya tulad ng mga blockbuster movies ng TV host.

Wala raw maitutulong ngayon sa industriya ng pelikula ang mga patutsada niya at sa halip na tirahin niya ang pagkakasama ng “PB” sa MMFF 2020 suportahan na lang niya ito para mas maging masaya ang Pasko.

Read more...